MAY nakausap ang Lupa’t Langit na ilang negosyante at import-export ang kanilang negosyo.
May mga taga-barangay rin siyang nakakausap gaya ng maliliit na negosyante at simpleng ina at ama ng mga tahanan.
Puro paghihirap, mga brad, ang panaghoy ng mga ito.
Yung mga negosyanteng nakatali sa import-export, may mga tumigil na.
Tumigil sila sa pag-import ng mga hilaw na materyales para sa kanilang mga produkto dahil sa laki ng puhunan para rito.
Dati-rati, tumatakbo ang kanilang negosyo sa palitang P50 bawat US$1.
Ngayong halos P60 na ang kapalit ng 1 USD at sobrang pabigat na ang halos P10 milyong dagdag, sa P50 milyong kanilang pinaiikot sa negosyo.
Nagbubunga rin umano ang pagbagsak ng piso laban sa dolyar ng pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto mula sa damit hanggang pagkain.
Sa mga negosyong barangay naman, mga brad, katakot-takot na kalugihan naman ang kanilang dinaranas, lalo na ang mga sari-sari store.
Kapag hinayaan umano nila na mangutang nang mangutang ang mga nasa paligid, bagsak ang mga sari-sari store nila.
Katwiran naman ng mga nakapaligid sa mga sari-sari store na suki ng mga tindahan, sobra-sobra na umano ang taas ng presyo ng mga bilihin.
Nakapaninindig-balahibo o nakatatakot na umano ang presyo ng pagkain, tubig, kuryente, damit, gamot, gamit-eskwela at iba pa.
Hindi umano nakasasapat ang kanilang sahod o kaunting kita sa mga negosyo upang matugunan ang lahat ng pangangailangan at apektado na rin umano ang kanilang kakayahang magbayad sa mga utang nila sa mga sari-sari store.
Dapat higit na pagtuunan ng pansin ang mga problemang ito ng mga lider ng bansa at hindi ang agawan nila sa pwesto sa anomang paraan, magkamatayan man o hindi.
Magbasa ang dapat magbasa sa dinaramdam ng mga mamamayan kaugnay sa awayan ng mga politiko para lang kumapit-tuko sa pwesto at magpayaman lang.






