Home OPINION FUSION ALLEY: PROYEKTONG NAGBIBIGAY-BUHAY

FUSION ALLEY: PROYEKTONG NAGBIBIGAY-BUHAY

1
0

MADALING gumawa ng pagpuna sa isang proyekto at lalong mas madaling magreklamo kaysa kilalanin ang mabuting naidudulot nito.

Pero kung magiging patas tayo, hindi maikaiila na may mga proyekto ang nagdudulot ng malaking pagbabago tulad na lang ng magandang naidulot ng Fusion Alley sa University Belt Area sa Lungsod ng Maynila.

Kung dati ay nagkalat sa mga bangketa at kalsada ang mga ambulant vendor o mga naglalako ng paninda sa kalye na hindi sagabal sa mga naglalakad, mahirap kontrolin ang kalinisan, at walang maayos na sistema, ngayon ay naiiba na ang kalakaran.

Ito ay mula nang ipatupad ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Fusion Alley kung saan nagkaroon ng iisang lugar na pwedeng maghanapbuhay ang maliliit na negosyante habang nananatiling maluwag ang mga bangketa para sa publiko.

Hindi lamang ito naging lugar ng bentahan kundi naging destinasyon din ng mga estudyante, turista, vloggers at maging ng mga bumibisita mula sa karatig-lungsod. Mas dumami ang tao, mas lumago ang negosyo, at mas maraming pamilya ang nagkaroon ng disenteng pagkakikitaan.

Hindi nakapagtataka kung bakit sinabi ni Yorme na may ilang tindero na kumikita ng hanggang ₱50,000 sa isang araw. Para sa iba, baka sobra ang pahayag na iyon ngunit ang mahalaga ay ang mensahe—ang dating simpleng pagtitinda sa bangketa ay naging oportunidad para umasenso ang maliliit na negosyante.

Syempre, walang proyektong perpekto. May mga reklamo tungkol sa ingay at basura mula sa ilang nakatira sa mga dormitoryo sa paligid pero sa halip na balewalain ang mga ito, malinaw ang naging tugon ng alkalde — gabi-gabi ang paglilinis at paghuhugas sa lugar, at bukas ang City Hall sa mga pormal na reklamo upang agad na maaksyunan ang anomang pagkukulang.

Iyan ang kaibahan ng isang lider na may paninindigan. Hindi agad sumusuko sa proyekto dahil lamang sa mga puna. Sa halip, hinahanap ang balanse sa pagitan ng kabuhayan at kaayusan.

Sa panahon ngayon na marami ang naghahanap ng trabaho at pagkakakitaan, ang mga proyektong tulad ng Fusion Alley ay hindi dapat basta husgahan dahil lamang sa ilang problemang maaari namang solusyunan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here