SA dami ng mga kaso ng pang-aabuso na nananatiling nakatago dahil sa takot ng mga biktima, isang positibong mensahe ang ipinadala ng Land Transportation Office sa mabilis nitong pag-aksyon sa reklamong inihain laban sa isang driver ng Toyota Avanza na inakusahan ng umano’y sexual abuse sa isang babaeng itinago sa pangalang “Bella.”
Hindi nag-atubili ang LTO na magpalabas ng 90-araw na preventive suspension sa driver’s license ng inirereklamong si Alias Rigor, ng Del Nacia Ville, Sauyo, Quezon City, at ilagay sa alarm ang sasakyang may plakang NLB 8970.
Ipinatawag rin ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Militante si Alias Rigor para sa isang clarificatory hearing. Hindi ito paghatol. Ito ay malinaw na pahayag na seryoso ang pamahalaan sa bawat reklamong may kinalaman sa kaligtasan ng publiko.
Kung may dapat ding kilalanin sa kasong ito, iyon ay si Atty. Ariel Inton, Presidente at Founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection. Sa panahong marami ang natatakot magsampa ng reklamo, mahalaga ang pagkakaroon ng mga abogado na handang tumindig para sa mga ordinaryong mamamayan. Hindi madaling harapin ang isang kaso, lalo na kung ang kalaban ay takot, impluwensiya, o pangamba na walang maniniwala.
Nakababahala ang alegasyong matapos ang umano’y insidente na nangyari sa kanto ng New York at Imperial Sts, sa Cubao ay inihatid pa ang biktima sa kanyang tahanan at pinagbantaang huwag magsumbong. Kung mapatutunayan ito sa tamang proseso, hindi lamang ito usapin ng paglabag sa batas kundi ng tahasang pang-aabuso at pananakot sa isang taong naghahanap ng katarungan.
Dapat tandaan ng bawat may hawak ng lisensya sa pagmamaneho na ang lisensya ay hindi armas para manakot, mang-abuso, o maghari-harian sa lansangan. Isa itong pribilehiyong may kaakibat na pananagutan.
Sa pagkakataong ito, nararapat lamang purihin ang LTO sa maagap na pagkilos at suportahan ang mga organisasyong tulad ng LCSP na patuloy na nagbibigay ng boses sa mga commuter.
Kapag ang biktima ay nagkaroon ng lakas ng loob na magsalita at ang pamahalaan ay handang makinig at kumilos, mas nagiging ligtas ang ating mga lansangan. Sa laban para sa hustisya, ang katahimikan ang tunay na kalaban, at ang agarang aksyon ang unang hakbang tungo sa pananagutan.






