MANILA, Philippines- Ibinahagi ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na nasa 10,821 dayuhang manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang umalis na ng bansa.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, ang mga manggagawang ito ay bahagi ng higit 21,757 dayuhang nagtatrabaho sa mga POGO na nag-downgrade ng kanilang mga visa noong Nob. 7.
Sinabi ni Sandoval na inaasahang aalis ngayong buwan ang mga natitirang dayuhan na nagtrabaho sa mga POGO.
Nabatid na inatasan ang mga dayuhang empleyado ng POGO na i-downgrade ang kanilang working visa, dahil ang mga establisimiyento na ito ay inutos na itigil ang operasyon ng administrasyong Marcos.
Ang mga kompanyang ito ay binigyan hanggang sa katapusan ng taon upang tapusin ang mga operasyon.
Samantala, binanggit ni Sandoval ang pangangailangan ng batas sa pagpaparusa sa mga taong umaalis ng bansa sa pamamagitan ng mga ilegal na paraan.
Ito ay matapos umalis ng Pilipinas si dating presidential spokesperson Harry Roque patungo sa United Arab Emirates sa pamamagitan ng ilegal na paraan.
Sinabi ni Sandoval na pinag-aaralan nila ang pagsasampa ng falsification of public documents, bukod sa iba pang posibleng kaso, laban kay Roque. JR Reyes