MANILA, Philippines- Nadakip sa sa joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Rizal Philippine National Police (PNP) ang isang rider na nagbebenta umano ng ilegal na droga sa ilang lugar sa Metro Manila at lalawigan ng Rizal.
Naaresto ang suspek sa Barangay Ampid, San Mateo, Rizal nitong Lunes.
Kinilala ang suspek na si alyas Ramos, 34, residente ng Buntong Palay sa Purok 1 Silangan sa San Mateo.
“Yung suspect is isang motortaxi rider at nahuli siya sa isang mall dito sa San Mateo. (jump) Ang suplay nya is coming from Metro Manila din at yun nga ang area of operation is somewhere in Quezon City and nearby cities,” pahayag ni Police Colonel Felipe B. Maraggun, Rizal Provincial Police director.
Narekober sa suspek ang apat na pakete ng hinihinalang shabu na mahigit 200 gramo at nagkakahalaga ng P1.36 milyon.
“Dahil na-confiscate natin, na-stop natin yung kanilang transactions na pwedeng ma-distribute pa lalong lalo na sa ating mga kabataan na pwedeng mabiktima nitong iligal na droga,” wika pa ni Maraggun.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng PDEA Calabarzon sa Laguna.
Kakasuhan siya ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. RNT/SA