Home NATIONWIDE VP Sara nagpasalamat kay Sen. Imee, iba pa sa suporta sa OVP...

VP Sara nagpasalamat kay Sen. Imee, iba pa sa suporta sa OVP sa gitna ng krisis

182
0

MANILA, Philippines- Nagpahayag ng pasasalamat ang Office of the Vice President (OVP) kay Senator Imee Marcos at iba pang personalidad para sa suportang ibinigay ng mga ito sa gitna ng krisis na kinahaharap ngayon ng tanggapan.

Sa isang kalatas, partikular na tinukoy kung paano nakakuha ang senadora ng kautusan mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) para sa kapakanan ni OVP Undersecretary Zuleika Lopez, tumatayo ring chief of staff ni Vice President Sara Duterte.

“At kay Senador Imee Marcos na tiniyak na mayroong DILG order para payagan si VP Sara Duterte at Senador Bato Dela Rosa na magbantay ng pasyente sa VMMC,” ang nakasaad sa kalatas.

Si Lopez ay na-confine sa Veterans Memorial Medical Center ilang sandali matapos iditine ng House committee on good government at binantaan na ililipat sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong City noong nakaraang buwan.

Gayundin, pinasalamatan ng OVP si Senator Bong Go para sa pagsuporta nito kay VP Sara.

“Nagpapasalamat ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa lahat ng mga tumulong, sumuporta, at nagpaabot ng pakikiisa at pagdamay sa opisina nang humarap ito sa krisis at kagipitan kamakailan,” batay pa sa kalatas.

Nakasaad pa rin sa kalatas ang “karahasan” at “kawalan ng katarungan” laban sa OVP executives sa gitna ng kasalukuyang congressional inquiry hinggil sa paggamit nito ng confidential funds.

“Maraming salamat din sa media sa tuloy-tuloy na pagsisiwalat sa kalagayan ng bansa — sa pagbabantay laban sa kawalan ng hustisya, pandarahas at pag-uulat sa sinapit ng mga tauhan ng OVP at sa walang takot na malayang pamamahayag,” ang sinabi ng OVP.

Pinasalamatan din ng OVP ang mga abogadong palagi ng naka-alerto para i-monitor at tulungan ang mga empleyado ng OVP, ilan sa mga ito ay ipinatawag para sa nasabing pagsisiyasat.

Gayunman, hindi binanggit sa kalatas ang impeachment complaints na inihain laban kay VP Sara sa Kamara .

Nauna rito, hinamon ni VP Sara ang mga mambabatas at kanyang mga kritiko na maghain ng impeachment complaint laban sa kanya.

“They can always try to do an impeachment. They can go ahead and squander government money to have the Vice President impeached, if that’s what they want, just to cover up the shortcomings and lies of the administration and its unfulfilled promises,” ang sinabi ni VP Sara sa isang media briefing noong nakaraang buwan.

Sa ulat, dalawang impeachment complaints ang nakahain ngayon sa Kongreso. Ang isa ay inendorso ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña habang ang isa naman ay inendorso nina Makabayan bloc Reps. France Castro, Arlene Brosas, at Raoul Manuel.

Sa unang impeachment complaint, tinukoy dito ang “culpable violation of the constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes” bilang grounds para sa kanyang impeachment.

Ang pangalawang reklamo naman ay sumentro sa tatlong alegasyon, kabilang dito ang “abuse, misuse, and wastage” ng confidential funds; systematic cover-up gaya ng aksyon sa pamamagitan ng fabricated accomplishment reports, receipts, at dokumentong isinumite sa Commission on Audit (COA); at umano’y “obstruction of congressional investigation and oversight.” Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here