MANILA, Philippines – Umakyat ang bilang ng mga Filipino na walang trabaho noong Oktubre, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes, Disyembre 6.
Sa pulong balitaan, sinabi ni PSA chief and National Statistician Claire Dennis Mapa na pumalo sa 1.97 milyon noong Oktubre ang jobless individuals edad 15 pataas.
Mas mataas ito kumpara sa 1.89 milyong unemployed persons na naitala noong Setyembre, bagamat mas mababa kumpara sa rekord noong Oktubre 2023 na nasa 2.09 milyong indibidwal.
Dahil dito, tumaas sa 3.9% ang unemployment rate, mas mataas mula sa 3.7% noong Setyembre.
Samantala, ang bilang ng mga may trabaho ay bumaba sa 48.16 milyon mula sa 49.87 milyon.
“Talagang nagkaroon ng pagbaba sa labor participation at doon sa [bilang ng] employed dahil sa weather disturbances… pumasok sa tatlong linggo ng Oktubre so nagkaroon siya ng impact sa decision ng ating mga kababayan na mag-participate sa labor market,” ani Mapa.
“But if you look at the year-on-year and quarter-on-quarter may pagtaas pa rin kaya sa datos na nakikita namin this is temporary because of the weather disturbances,” ayon pa sa PSA chief. RNT/JGC