Home NATIONWIDE Moratorium sa pagbabayad ng student loan tuwing kalamidad, batas na – solon

Moratorium sa pagbabayad ng student loan tuwing kalamidad, batas na – solon

216
0

MANILA, Philippines – Ganap nang batas ang panukalang magtatakda ng moratorium sa pagbabayad ng student loans tuwing kalamidad o anumang sitwasyong pagkagipitang natural sa bansa tulad ng bagyo, baha, pagsabog ng bulkan, lindol at man-made calamities.

Inihayag ito ni Senador Lito Lapid pagkatapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ang kanyang pet bill na Republic Act 12007 o kikilalanin bilang Student Loan Payment Moratorium during Disasters or Emergencies Act

“Ang batas na ito ay handog natin sa ating mga estudyante at kanilang pamilya. Bahagi po ito ng ilang mga batas na tutulong sa mga ating mga kababayan na naaapektuhan ng mga kalamidad. Layunin po ng batas na ito na bigyan ng kapanatagan ang pamilyang Pilipino na patuloy na mag-invest sa pag-aaral ng kanilang anak,” pahayag ni Lapid, awtor ng bagong batas.

Dagdag pa ni Lapid, handa syang tumulong at bukas ang pintuan ng pamahalaan para sa mga kababayan natin naghihikahos sa buhay, lalo na ang pinadapa ng bawat kalamidad sa bansa.

“Narito po ang inyong gobyerno upang tulungan kayo kung sakaling mangailangan kayo dahil sa mga delubyong dumaraan sa ating bansa taun-taon. Tulong-tulong po tayo para sa magandang kinabukasan ng ating mga kabataan.”

Pinuri ni Lapid si Marcos sa paglagda nito sa kanyang ‘pet bill’ na ganap na ngayong batas, ang Republic Act 12007 o ang Student Loan Payment Moratorium during Disasters or Emergencies Act.

“Nagpapasalamat po tayo sa Pangulong Bongbong Marcos sa pagsama sa panukalang ito sa mga nilagdaan at sa ating mga kasangga sa Kongreso. Maraming salamat po at mabuhay po kayo,” ayon kay Lapid. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here