KAYAPA, Nueva Vizcaya – Dinilig ng dugo ang isang lamayan nang hindi bigyan ng kape ang isang lasing matapos mag-amok na ikinasawi ng isa at isa pang sugatan sa Sitio Tamangan, Brgy. Balete, Kayapa, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PMaj. Len Gomultim, hepe ng Kayapa Police Station, naganap ang insidente sa mismong lamayan kung saan nasawi ang isa sa mga biktima na kinilalang si Ariel na napuruhan sa ulo, habang sugatan naman ang kinilalang si Mario, 32 anyos, magsasaka na tinamaan sa leeg sa pananaga ng suspek na kinilalang si Alberto, 44 anyos, magsasaka na kapwa residente rin ng nasabing lugar.
Una rito, nagtungo sa lamayan ang suspek para humingi ng kape subalit hindi umano siya binigyan.
Dahil hindi umano siya pinansin at binigyan ng kape ay umalis siya para kunin ang kaniyang itak saka bumalik at pinagtataga ang mga tulog na biktima na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin sa mga oras na naganap ang insidente.
Sinubukan naman umanong umawat ng ilang mga residenteng nasa lamayan subalit agad umanong tumakbo at nagtago.
Tinitingnang dahilan ng pananaga ang problema di umano sa pagiisip ng pinaghihinalaan na umanoy naninirahan sa gitna ng bundok at madalas na makaranas ng pagkatulala.
Sa ngayon ay agad na nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya na posibleng pinagtaguhan nito sa kabundukan. REY VELASCO