Home NATIONWIDE Paglagda ni PBBM sa 2 makabuluhang batas, pinuri ni Bong Go

Paglagda ni PBBM sa 2 makabuluhang batas, pinuri ni Bong Go

MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Senator Christopher “Bong” Go, masugid na tagapagtaguyod para sa disaster resilience, ang paglagda ni Pangulong Marcos, Jr sa dalawang makabuluhang batas na magpapalakas sa pagtugon ng bansa sa mga kalamidad at sa pagtiyak na mabilis na makarerekober ang mga apektadong Pilipino.

Nilagdaan noong Disyembre 6 sa Palasyo ng Malacañang sa isang seremonya na dinaluhan mismo ni Go, ang Ligtas Pinoy Centers Act (Republic Act No. 12076) at ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergency Act (Republic Act No. 12077) ay nagbibigay-diin sa mga proactive approach sa pagprotekta sa buhay, pagpapagaan ng hirap, at pagpapanumbalik sa normal na sitwasyon sa panahon ng mga kalamidad.

“Ang pinakamahalaga pagkatapos ng sakuna ay maibalik agad ang normal na pamumuhay ng mga Pilipino. Hindi lang kaligtasan ang pinag-uusapan dito, kundi pati na rin ang kaginhawaan at dignidad ng bawat isa,” ani Go.

Ang Republic Act No. 12076: “An Act establishing evacuation centers for every city and municipality and appropriating funds therefor” o ang Ligtas Pinoy Centers Act, na pangunahing iniakda at co-sponsored ni Go, ay nag-uutos sa pagtatayo ng permanente at well-equipped evacuation centers sa buong bansa. Ito ay tugon sa matagal nang isyu sa mga pansamantalang tirahan tulad ng mga paaralan at gymnasium, na kadalasang nakaaabala sa edukasyon at lumilikha ng karagdagang paghihirap para sa mga bakwit.

“Hindi na kailangang magsiksikan sa mga eskwelahan o covered courts na walang sapat na pasilidad. Kailangan natin ng evacuation centers na maayos, kumpleto, at kayang protektahan ang ating mga kababayan,” idiniin ni Go.

Saksi mismo si Go sa mahirap na kalagayan ng mga evacuees na nagtitiis sa hindi malinis o masamang kondisyon ng mga pansamantalahang tirahan.

“Ang pinakamahirap pong makita ay ang mga pamilya na wala nang tirahan, tapos hindi pa maayos ang kalagayan sa evacuation center. Dapat, ang lumikas ay komportable at ligtas habang inaayos ang kanilang pamumuhay,” sabi ni Go.

Tinitiyak ng bagong batas na sa mga itatayong evacuation centers ay may wastong sanitation facility, sleeping quarters, emergency supplies, at mga espesyal na probisyon para sa mga bata, senior citizen, at taong may kapansanan.

“Kapag ginamit ang mga eskwelahan bilang evacuation center, natitigil ang klase ng mga bata. Hindi lang mga evacuee ang apektado kundi pati ang buong komunidad. Kaya napakahalaga na magkaroon tayo ng sariling pasilidad para sa ganitong sitwasyon,” paliwanag niya.

Bukod sa Ligtas Pinoy Centers Act, ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na co-authore at co-sponsor ni Go, ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga estudyanteng naapektuhan ng kalamidad.

Pansamantalang ipinasususpinde ng batas ang mga pagbabayad ng student loan ng mga mag-aaral na naninirahan sa mga lugar na isinailalim sa State of Calamity o Emergency.

“Kapag may sakuna, napakahirap nang bumangon. Kaya malaking tulong ang moratorium na ito para mabigyan ng palugit at mabawasan ang pasanin ng ating mga estudyante at kanilang pamilya,” sabi ni Go.

Bilang tagapangulo ng Senate youth committee, ang panukala ay bahagi ng mas malawak na pagtulak ni Go na protektahan ang karapatan ng bawat kabataang Pilipino sa de-kalidad na edukasyon.

Samantala, muling iginiit ni Go ang kanyang pagpupursige ukol sa pagtatatag ng isang Department of Disaster Resilience (DDR) upang isentralisa ang paghahanda sa kalamidad, response at recovery. Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 188, mapapabilis ang sistema sa koordinasyon sa local government units (LGUs) para matiyak ang maagap na interbensyon sa panahon ng kalamidad. RNT