PINALAKAS at pinatatag ng Pamahalaang Lunsod ng Muntinlupa ang adhikaing magkaroon ng mga dekalidad na atletang Pilipino sa pamamagitan ng pakikipag tulungan kay volleyball Phenom Alyssa Valdez.
Sa ginawang memorandum of agreement signing sa Lunsod ng Muntinlupa kasama ang Alyssa Valdez Youth Volleyball Clinic (AVYVC), binigyang-diin ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon na layunin nilang linangin ang potensyal ng mga kabataang Muntinlupeño habang pinapalakas ang ugnayan sa pamilya at komunidad.
Alinsunod sa naturang kasunduan, magsasagawa si Valdez ng volleyball training para sa mga kabataan sa Enero 2025.
Pagdidiin ni Mayor Biazon na nais ding maitaguyod ng Lunsod ang adbokasiya nito na kalusugan, disiplina at positibong kaugalian ng mga kabataan sa pamamagitan ng sports.
“Ang sports ay hindi lang tungkol sa laro o kompetisyon ito ay isang mabisang paraan para linangin ang potensyal ng ating mga kabataan habang pinalalakas ang ugnayan ng pamilya at komunidad,” sabi ni Mayor Ruffy Biazon
Nagpasalamat si Mayor Biazon sa mga katuwang ng Lunsod sa proyekto, kabilang sina Ms. Jem Lim at Ms. Carla Dado ng AV360, pati na rin ang Youth and Sports Development Office sa pamumuno ni Ms. Cynthia Viacrusis, at Atty. Jojay Alcaraz ng 1Muntin para sa kanilang walang sawang suporta at pagsisikap.
“Ang partnership na ito ay hindi lamang tungkol sa athletic training ito ay tungkol sa pagbibigay ng plataporma kung saan ang mga batang atleta ay maaaring matuto ng mga halagang tulad ng teamwork, disiplina, at perseverance, na magagamit nila sa kanilang buong buhay”, Sabi ni Atty. Jojay Alcaraz ng 1Munti. Dave Baluyot