MANILA, Philippines- “Hindi katanggap-tanggap at makamahirap!”
Ganito ang naging pahayag ni Senador Christopher “Bong” Go, isang crusader para sa mga reporma sa kalusugan, ukol sa niratipikahang Bicameral Committee Report sa 2025 General Appropriations Bill, partikular sa panukalang zero subsidy para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa susunod na taon.
Matapos pagtibayin ng Senado ang ulat ng bicam, binigyang-diin ni Go ang mga implikasyon ng hakbang na ito at idiniin ang masamang epekto nito sa mahihirap na Pilipino at sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Law.
Ipinunto ni Go na bagama’t nasiwalat sa mga kamakailang pagdinig ng Senate health committee na ang PhilHealth ay may reserbang pondo na lampas sa P500 bilyon, hindi pa rin makatuwiran na alisan ng subsidiya ng gobyerno ang state health insurance program.
“Hindi ako sang-ayon na dapat nating ganap na tanggalin ang subsidy para sa PhilHealth. Ito ay hindi katanggap-tanggap at anti-poor,” idiniin ni Go.
Iginiit ng senador na mahalagang tiyakin ang suporta ng gobyerno para sa PhilHealth upang mapahusay ang mga benepisyo nito para sa mga Pilipino, partikular na sa mga mahihirap na pasyente.
“Paano tuluyang ma-eexpand ang benefits ng PhilHealth para sa Pilipino kung ni piso ay walang ibibigay na subsidy ang gobyerno para dito?” tanong niya.
Binigyang-diin ni Go na bagama’t dapat gamitin ng PhilHealth ang mga kasalukuyang pondo nito nang naaangkop, dapat ding panindigan ng mga mambabatas ang kanilang responsibilidad na idirekta ang mga pondo ng gobyerno patungo sa mga inisyatiba na may kaugnayan sa kalusugan upang matiyak na ang mga serbisyo sa healthcare ay hindi makokompromiso.
“Ipinaglalaban natin na gamitin nang tama ng PhilHealth ang pondong mayroon sila ngunit bilang mga mambabatas, suportahan din natin ang hangaring ito sa pamamagitan ng pagtiyak na mapupunta sa health ang pondo na para naman talaga sa health, ayon sa batas! Hindi ito dapat mapunta sa ibang paggagamitan,” ani Go.
Ikinababahalaa ng senador ang potensyal na pag-urong sa pagkamit ng mga layunin ng UHC Law, kabilang ang pagbabawas ng mga gastos sa medikal ng bawat Pilipino sa mga darating na taon.
Alinsunod sa Universal Health Care Law, dapat maibaba nang husto ang pagbabayad ng pang-medikal ng bawat Pilipino ngunit malayong- malayo na ito sa hangaring nito dahil sa zero budget ng PhilHealth.
“Ang mga mahihirap na pasyente ang kawawa dito. Malaking tulong po sa indigent patients kung mapapaganda ang PhilHealth para mabawasan ang kanilang gastos o out-of-pocket expenses. Imbes na ibayad sa ospital, pwede na nila itong ipambili ng gamot, pagkain, at iba pang pangangailangan,” ayon pa kay Go. RNT