MANILA, Philippines- Dumagsa ang dayuhang turista sa bansa lulan ng mga cruise ship.
Naniniwala ang Philippine Ports Authority (PPA) at Department of Tourism (DOT) na ito ay magtutuloy-tuloy kasunod ng pagdating sa Port of Currimao sa Ilocos Norte ng cruise vessel na Norwegian Spirit lulan ang tinatayang 800 turista kahapon, araw ng Pasko.
Kasama sa mga nilibot nila ay ang UNESCO Heritage City sa Vigan, Paoay Church, Batac City at iba pa.
Sa unang abiso ng PPA, nasa 16 cruise calls ang nakaiskedyul ngayong Disyembre.
Para sa 2025, sinabi ng DoTr na nasa 97 cruise calls ang nakuha ng Pilipinas o 97 pagdating sa bansa ng mga cruise ship dala ang mga kliyente nilang turista.
Una nang sinabi ni PBBM na kumpiyansa siyang magtatagumpay ang Pilipinas sa pagsusulong ng turismo sa pamamagitan ng industriya ng cruise tourism.
Sinabi ng Pangulo hangad ng bansa hindi lamang ang dami ng mga bibisitang cruise ships kundi makapag-iwan ng makabuluhan at pang-matagalang koneksyon sa pagitan ng mga turista at ng bansa, kasama na rito ang pagpaparanas at pagbahagi sa mga turista ng kasaysayan, tradisyon at lokal na lutuin ng bansa upang makalikha ng magagandang karanasan na maibabahagi nila sa mundo. Jocelyn Tabangcura-Domenden