MANILA, Philippines – Posibleng iatras ng Department of Justice (DOJ) ang kaso laban kina Police Master Sergeant Rodolfo Mayo at Ney Atadero kaugnay sa P6 billion na halaga ng shabu na nasamsam sa isinagawang drug operation sa Maynila noong Oktubre 2022.
Sinabi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na pinag-aaralan na ng Department of Justice na hindi na ituloy ang kaso laban kina Mayo at Atadero.
Si Atadero ay naaresto sa buy-bust operation noong Oktubre 8, 2022 kung saan narekober ang 900 kilo ng shabu habang si Mayo ay nadakip sa isinagawa umanong hot pursuit operation at nakuha sa kanya ang dalawang kilo ng shabu.
Matapos ang isinagawang inquest ng Manila prosecutors office, sinampahan ng kaso sina Mayo at Atadero.
Gayunman, hindi nasunod sa kinakailangan na procedure sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ang pag-aresto kung kaya isinagawa ang kunwaring pag-aresto para mapagtakpan ang naging kapalpakan ng mga otoridad.
Sinabi ni Fadullon na dahil dito, lumalabas na ang mga isinampang kaso ay batay sa maling alegasyon at ang mga ebidensya ay mula sa maling akala.
“After reviewing the evidence that were presented which resulted to the filing of the cases for bungling and planting of evidence, we believe, and we are seriously considering the possibility of withdrawing these cases because it would now appear that these cases were filed based on false allegations and fallacious evidence,” ani Fadullon.
Tinukoy ni Fadullon ang isinampang kaso ng National Prosecution Service (NPS) laban sa 30 miyembro ng PNP dahil sa pagtatanim ng ebidensya at palpak na prosekusyon laban sa 30 police officers dahil sa kunwaring pag-aresto. TERESA TAVARES