Home NATIONWIDE WPS defense plan dapat may worst-case scenarios – Honasan

WPS defense plan dapat may worst-case scenarios – Honasan

MANILA, Philippines – Iginiit ni senatorial aspirant Gringo Honasan na dapat ay mayroong worst case scenarios sa plano ng pamahalaan na depensahan ang West Philippine Sea.

“Ang kailangan malaman lang, ano ang plano natin para depensahan ang ating demokrasya, ang ating pamumuhay, ang ating karagatan, ang ating mangingisda? Anong plano natin?” ani Honasan sa panayam ng DZBB.

Bagama’t pinagkakatiwalaan niya umano ang pamahalaan sa estratehiya nito, dapat din na isama ang publiko sa magiging usapan.

“Siyempre sigurado naman tayo may plano ang gobyerno. Isama naman nila tayo, tayong mga ordinaryong mamamayan… Kung sakaling magkaroon ng sitwasyon, saan tayo kukuha ng tubig, pagkain? Kung aarmasan tayo, saan tayo kukuha ng armas na pangdepensa?” dagdag pa niya.

Ani Honasan, bagamat imposible ang pananakop, kinilala niyang ang kasalukuyang sitwasyon ay malayo sa normal.

Dahil dito ay nanawagan ang senatorial aspirant ng komprehensibong kahandaan.

“Lulusob ba sila? Sa tingin ko hindi…ang ibig ko lang bigyan ng diin… is hindi normal ang sitwasyon ngayon. Kung nag-iisip tayo na normal, aba’y nagkakamali tayo. Kung mali tayo dahil sobra ang pagkapraning natin, e ‘di ako bitayin ninyo. Pero kung tama tayo at hindi tayo naghanda, ay may problema tayong malaki,” aniya. RNT/JGC