Home NATIONWIDE Pinas, ‘bullying capital of the world’ – EDCOM

Pinas, ‘bullying capital of the world’ – EDCOM

253
0

Patuloy na laganap ang pambu-bully sa mga paaralan sa Pilipinas, lalo na sa Metro Manila, ayon sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II). Sa kabila ng mga umiiral na batas at polisiya, nananatili itong malaking suliranin sa bansa.

Ayon sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), 65% ng Grade 10 students sa Pilipinas ang nakaranas ng pambu-bully ilang beses sa isang buwan, pinakamataas sa lahat ng bansang lumahok sa pag-aaral.

“Bullying continues to be a silent and persistent issue in basic education, with the country ranking as the ‘bullying capital of the world’ due to the high prevalence of bullying reported by students,” ayon sa EDCOM.

Bumaba nang bahagya ang bilang sa 2022 PISA, ngunit isa sa bawat tatlong mag-aaral pa rin ang biktima linggu-linggo.

Mula Nobyembre 2022 hanggang Hulyo 2024, tanging 11% lamang ng iniulat na kaso ng pambu-bully ang nalutas.

Pinakamataas ang bilang sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon, habang isa lang ang naiulat sa Mimaropa, Bangsamoro, at Soccsksargen.

Ayon sa EDCOM, maaaring dahil ito sa pagkakaiba sa kahusayan ng mga reporting systems sa iba’t ibang rehiyon.

Bukod sa pisikal na pananakit, binigyang-diin ng EDCOM na may iba pang uri ng pambu-bully tulad ng verbal, relational, at cyberbullying.

Hinikayat nitong baguhin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Bullying Act of 2013, na itinuturing nilang luma at hindi na angkop sa kasalukuyang panahon.

Upang tugunan ito, bumuo ang EDCOM ng isang technical working group na binubuo ng mga opisyal ng DepEd, child protection advocates, at mga mananaliksik sa edukasyon.

Pinuri naman ni Education Secretary Sonny Angara ang pagsisikap ng EDCOM at binigyang-diin ang pangangailangang iayon ang mga reporma sa mga hakbang ng gobyerno para mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here