Home HOME BANNER STORY Panukalang tapyas-PhilHealth contribution sa 3.5% inaprubahan ng Kamara

Panukalang tapyas-PhilHealth contribution sa 3.5% inaprubahan ng Kamara

Inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang batas na nagpapababa sa PhilHealth premium contribution rate mula 5% patungong 3.5%.

Ang House Bill 11357, na layuning palakasin ang sistemang pangkalusugan ng bansa, ay lumusot sa ikalawang pagbasa sa pamamagitan ng viva voce.

Binabago ng panukalang batas ang Universal Health Care (UHC) Act at nagtatakda na anumang pagbabago sa kontribusyon ng PhilHealth ay dapat nakabatay sa actuarial studies na susuriin ng isang independiyenteng organisasyon at aaprubahan ng Kongreso tuwing budget deliberations.

Sa ilalim ng panukala, hindi na kailangang bayaran nang buo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kanilang PhilHealth contribution. Sa halip, 50% nito ay sasagutin ng kanilang employer, habang ang natitirang kalahati ay babayaran ng gobyerno.

Itinatakda rin ng batas na dapat limitahan sa 7.5% ng kabuuang gastusin ng PhilHealth ang administrative expenses, kabilang ang suweldo ng mga empleyado. Pinuri ni Health Secretary Ted Herbosa ang pagpasa ng panukala at binigyang-diin ang papel ni Representative Stella Quimbo sa pagtatanggol sa probisyon ukol sa administrative expenses.

Dagdag pa rito, pinapayagan ng panukala ang mga lungsod at munisipalidad na magtayo ng Special Health Fund sa ilalim ng gabay ng Department of Health, Department of Budget and Management, at UHC Coordinating Council. Nauna nang inaprubahan ng Senado ang sariling bersyon nito, ang Senate Bill 2620, noong Agosto 2024. RNT