BULACAN — Isang yaya ang nahaharap sa reklamo matapos masunog ang balat ng isang sanggol na kanyang inaalagaan matapos malapnos ng mainit na tubig habang pinaliliguan noong Pebrero 1 sa Bulacan.
Umabot sa first-degree hanggang second-degree ang paso sa likod at binti ng paslit.
Sa CCTV footage, makikitang naliligo ang bata sa banyo bandang 9:39 a.m., nang biglang marinig ang malakas na iyak nito. Matagal bago inilabas ng yaya ang bata mula sa banyo, at sa sala niya ito pinunasan at pinakalma.
Alas-3 na ng hapon nang ipaalam ng yaya sa ina na napaso ng mainit na tubig ang bata. Anim na oras ang lumipas bago ito nabigyan ng paunang lunas.
“Halos mamatay ang anak ko. Ano na lang kung wala kami noon? Anim na oras siyang nagtiis bago nabigyan ng first aid. Kung talagang may malasakit siya, dapat sinabi niya agad sa akin,” ayon sa ina.
Tumakas ang yaya matapos ang insidente. Siya ay galing mula sa isang ahensya at walong buwan nang nagtratrabaho sa pamilya. Ngayon, naghahanda ang pamilya na kasuhan ang yaya dahil sa kapabayaan. RNT