Home OPINION MAHIGIT 300 NA KASAL NG MENOR-DE-EDAD, IPINAREHISTRO SA PSA

MAHIGIT 300 NA KASAL NG MENOR-DE-EDAD, IPINAREHISTRO SA PSA

289
0

NOONG 2023, mayroong nagpatalang kasal sa Philippine Statistics Authority (PSA) na kinapapalooban ng 233 na batang babae at 71 na batang lalaki na wala pang mga 18 ­taong gulang.

Sa mga ikinasal, ang pina­kabatang babae ay may edad na 13, habang ang pinakabatang lalaki ay 12 taong gulang.

Matatandaan na noong 2022, nilagdaan ni dating Pa­ngulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act 11596, isang batas na naglalayong wakasan ang child marriage sa Pilipinas.

Itinuturing ng batas na child marriage ang anomang kasal kung saan ang isa o parehong panig ay bata o wala pang 18 taong gulang, at isinagawa sa pamamagitan ng sibil, Simba­han, o anomang kinikilalang tra­disyonal, kultural, o nakaugaliang paraan.

Kabilang din dito ang impormal na pagsasama o cohabitation sa labas ng kasal sa pagitan ng isang adult at isang bata, o sa pagitan ng dalawang bata.

Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagpapadali ng child marriage, pagsasagawa ng seremonya, at pagsasama ng isang adult at isang bata sa labas ng kasal.

Ginawang iligal ng bagong batas ang isang probisyon sa “Code of Muslim Personal Laws” na nagpapahintulot sa isang Muslim na lalaki na 15 years old na pakasalan ang isang babaeng Muslim na nasa “puberty stage” pa lamang.

Binigyang-ngipin din ng batas ang umiiral na Family Code of the Philippines o ang Executive Order No. 209.

May naghihintay na kaparusahang multa na aabot ng Php 500,000 at pagkakulong na hin­di lalagpas ng 12 na taon para sa sinomang magkakasal, kani­lang mga magulang, tumatayong guardians, mga nagsipag-ayos ng kasal, at maging ang groom o mapapangasawa ay kabilang sa mga lalabag sa batas.

Perpetual disqualification sa serbisyo kung public official o empleyado ang lalabag sa probisyon ng anti-child marriage law.

Ipinaalam din ng PSA na noong 2023 ay umabot din sa kabuuang 12,630 na kasal ang kinasasangkutan ng mga dalagitang wala pang 20 taong gulang.

Ang bilang na ito ay apat na beses na mas mataas kaysa sa bilang ng mga kasalang may kinasasangkutang mga binatilyo, na nasa 3,058.

Sa bilang ng mga dalagitang ikinasal, 54 porsyento ang nagpakasal sa mga lalaking may edad 20 hanggang 24, habang 22.5 porsyento ang ikinasal sa mga lalaking may edad 25 hanggang 29.

Samantala, ang mga rehis­tradong kasal sa pagitan ng mga binatilyo at dalagita ay uma­­bot sa 1,723 o 4 percent ng kabuuang kasal sa bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here