Home HOME BANNER STORY Kontrata sa pagdurugtong sa MRT-3, MRT-7 at LRT-1 planong kanselahin ng DOTR

Kontrata sa pagdurugtong sa MRT-3, MRT-7 at LRT-1 planong kanselahin ng DOTR

MANILA, Philippines – Tinitingnan ng Department of Transportation ang posibilidad na kanselahin ang kontrata sa konstruksyon ng
Unified Grand Central Station sa North EDSA sa Quezon City, sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon nitong Lunes, Marso 3.

Layon ng istasyon na pagdugtungin ang Light Rail Transit-1, Metro Rail Transit-3, at Metro Rail Transit-7 na dapat sana ay nakumpleto na noon pang 2021.

Nitong Lunes ay binisita ni Dizon ang proyekto at naabutan ang mga bahagi ng pasilidad na napuno na ng alikabok at napabayaan na.

“Nakakalungkot at nakaka-frustrate. Nakikita mo, andito na siya, nakatengga lang, walang mangyayari,” ani Dizon.

“Clearly now, I think we have to study termination already at this point,” dagdag ni Dizon.

Ang kontrata para sa konstruksyon ay iginawad noong 2019 sa BF Corporation, isang kompanyang pag-aari ng yumaong si dating Metropolitan Manila Development Authority chairperson Bayani Fernando.

Ngunit dahil sa lockdown dala ng COVID-19 pandemic ay nahinto ang pagkumpleto sa naturang istasyon.

Inaasahang matatapos sa 2028 ang istasyon kung ipagpapatuloy sana ang konstruksyon.

Wala pang tugon ang BF Corporation kaugnay nito. RNT/JGC