Home OPINION SINONG MASTERMIND?

SINONG MASTERMIND?

2
0

LEGIT na tanong.

Ngayong nakakulong na si dating House Speaker Leyte Rep. Martin Romualdez at “naglalamyerda” sa ibang bansa si dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, sino ang nag-utos at may pakana sa bilyon-bilyong insertions sa 2027 budget.

Mantakin n’yo, pulos kongresista ang tiyak “magkakamal” sa isiningit na mga proyektong pang-imprastura na may halagang bilyon-bilyon kung hindi ito nasilip ng mga budget watchdog sa Kamara de Representantes.

Siyempre, nasa toplist ang anak ni Pangulong Bongbong Marcos na si Sandro ng Ilocos Norte sa mga “makikinabang” sa insertions.

Tumataginting na mahigit P4 bilyon ang isiningit sa kanyang distrito para kuno sa mahigit 400 na DPWH projects.

Sa ilang taon na niyang paninilbihan sa Ilocos Norte at minsan nang nakaladkad sa flood control scandal sa mga nakalipas na taon, gayon pa rin ba kabulok ang mga kalsada, tulay, flood controls at kung ano-ano pa sa lalawigan?

Sabi nga ni PBBM sa mga mambabatas sa isa niyang SONA (State of the Nation Address), mahiya naman kayo!

Pero mukhang hindi nahiya ang mga kongresista at talagang tinatangka na naman nilang salaulain ang pambansang pondo.

Si Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing ang nagmana sa trono ni Co upang “magmadyik” sa 2027 budget at ang kanyang “boss” ay si Isabela Rep. Bodjie Dy, sino ang mastermind na nasa likod ng panibagong insertions? Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?

@@@

Hindi na rin nahiya ang ilang majority senators na umaasang isa kanila ang ia-appoint ni Pangulong Bebeem kapag nahatulang guilty at napatalsik sa pwesto si VP Sara Duterte na nakasalang sa Impeachment trial sa Senado.

Tahimik ang mga “mokong” sa hamon sa kanila ni Sen. Alan Peter Cayetano na manumpa na hindi nila tatanggapin kung sakaling isa sa kanila ang alukin ni PBBM na humalili kay VP Sara.

Tama nga naman na “premature” pang pag-usapan ang posibleng maging hatol kay VP Sara dahil mahaba-haba pa ang paglilitis at hindi nakasisiguro ng panalo ang mga umuusig sa kanya.

Pero tama lang din na ngayon pa lang ay manumpa na ang mga senador na hindi sila mag-aambisyong pumalit kay VP Sara.

Hindi kasi magandang tingnan kung sinoman sa senator-judge ay nananatiling tahimik tungkol sa posibilidad na sila ay pangalanan upang palitan ang bise-presidente.

Malinaw na mayroong “conflict of interest” kapag ang hukom ay maaaring maging benepisyaryo dahil lalabas na hindi kapani-paniwala ang anomang magiging desisyon sa huli.

Ang Impeachment trial ay kaduda-duda na sa simula pa lamang.

Nililitis si VP Sara dahil sa umano’y pandarambong at tagong-yaman.

Pero ang mga miyembro ng Kamara na umuusig sa kanya at ang ilang senator-judge na hahatol ay nililitis sa “korte ng pampublikong opinyon” dahil sa pandarambong sa pambansang badyet.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here