MANILA, Philippines – TAUMBAYAN lamang ang makapagsasabi kung sino ang dapat na ideklarang ‘bayani’ at mapagawaan ng monumento.
Hiniling kasi ni dating Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Roa Duterte sa mga OFW sa Hong Kong na mag-ambagan ang mga ito ng tig-5 dollars para pagawaan siya ng monumento katabi ni Dr. Jose Rizal.
“Siguro po ang pagdedeklara ng isang tao na hero ay dapat hindi po siya ang nagsasabi noon – taumbayan ang magsasabi kung siya ay naging hero at pagawaan siya ng monumento,” ayon kay Castro.
Sinabi ni Duterte na tatanggapin na lang niya kung ano ang kanyang kapalaran pero dapat aniyang pagawan siya ng rebulto ng mga OFWs.
“Ang hingiin ko na lang sa inyo, tutal kung ganito man talaga ang suwerte ko sa buhay, tatanggapin ko ‘yan. Wala tayong magawa eh. Hulihin tayo o ikulong tayo… kaya lang mag-contribute kayo maski five dollars… para paglabas ko sa presohan pagawaan n’yo ako ng monumento katabi ni Rizal,” ang pahayag ni Duterte.
Samantala, tila ipinaalala naman ni Castro sa dating Pangulo ang mga sinasabi ng huli noon na wala siyang kasalanan sa pagkasa ng OPLAN TOKHANG, bahagi ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa giyera nito sa ilegal na droga.
Matatandaan na umamin si Duterte sa pagdinig ng Quad Comm at Senado hinggil sa kanyang naging papel sa Oplan Tokhang at extra judicial killings (EJK).
“Marami siyang inamin – unang-una, sinabi niya na he encouraged ‘di ba he ordered the police officers to encourage the suspect to fight – for what? Anong purpose noon? Ang sabi niya, inamin niya para magamit din iyong depensa, because kapag lumaban ang isang suspect maaari itong masabing self-defense on the part of the police officers – pero hindi dapat ganoon ang gawi; there should be a due process. We have to give the suspect/any accused the right for this due process – hindi tayo dapat laging cut the process. At ang sabi niya, bakit daw ginawa iyon? Para mabilis maresolba ang problema, mabawasan agad ang problema hindi ganoong pamamaraan – hindi pa ba iyon kasalanan?,” litaniya ni Castro.
“Maybe sa mga taong hindi nabiktima ng EJK at bloody tokhang maaaring nagpupunyagi at pumapalakpak pero paano naman po iyong mga namatayan at iyong pamilya na nawalan ng kanilang mahal sa buhay dahil lang sa walang due process na ibinigay sa kanila,” ang sinabi pa rin nito. Kris Jose