MANILA, Philippines – Inaasahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pag-aresto at pagpapatapon sa lahat ng indibidwal na sangkot sa patuloy na operasyon ng mga ilegal na Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa pagtatapos ng 2025 o mas maaga kaysa sa inaasahan.
Ito ay matapos sabihin ni PAOCC spokesperson Winston Casio na mahigit 1,000 POGO workers na nasa kustodiya ng gobyerno ang ipapatapon sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.
Sinabi ni Casio na nasa 899 foreign nationals na nagtatrabaho sa illegal POGO ang kasalukuyang nakaditine sa PAOCC’s detention facility sa Pasay City, habang tinatayang nasa 200 hanggang 300 nationals ay nanatiling nasa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI).
Sinabi ni Casio na ang PAOCC, ang BI, at ang Inter-Agency Council ng Department of Justice Against Trafficking ay mahigpit na nakikipagkoordinasyon upang mapabilis ang proseso ng deportasyon.
Aniya, maaasahan ng publiko ang mass deportation ng mahigit 1,000 illegal POGO workers sa loob ng buwan.
Ang mga naaresto na foreign nationals ay mula Myanmar, Indonesia, Vietnam, Malaysia at China.
Tiniyak din ni Casio sa publiko na ang PAOCC at iba pang concerned agencies ay mananatiling walang humpay sa paghabol sa natitirang mga POGO. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)