Home NATIONWIDE Kamatayan ng milyong katao magiging resulta ng US aid cut – WHO

Kamatayan ng milyong katao magiging resulta ng US aid cut – WHO

109
0

GENEVA — Nanawagan ang pinuno ng WHO, Tedros Adhanom Ghebreyesus, sa US na muling pag-isipan ang malawakang pagbawas sa pondong pangkalusugan, dahil maaari itong magdulot ng milyong pagkamatay.

Aniya, maaaring tumaas ng higit 10 milyon ang kaso ng HIV at umabot sa tatlong milyon ang mga mamamatay dahil dito.

Ipinatigil ni Pangulong Donald Trump ang halos lahat ng dayuhang tulong, kabilang ang pondo para sa USAID at CDC, na lubhang ikinabahala ng pandaigdigang komunidad.

Ayon kay Tedros, maaaring sumipa ang kaso ng malaria ng 15 milyon, na may 107,000 pagkamatay ngayong taon, binabalewala ang 15 taong pag-unlad.

Dahil sa pagtigil ng PEPFAR, isang programa laban sa HIV, nahinto na ang serbisyo sa mahigit 50 bansa, at walong bansa ang malapit nang maubusan ng antiretroviral drugs.

Panganib rin ang kinakaharap ng mga pasyente ng tuberculosis sa siyam na bansang may bumagsak na suplay ng gamot.

Ang WHO Global Measles and Rubella Network, na nakadepende sa pondo ng US, ay malapit nang magsara sa kabila ng muling paglaganap ng tigdas.

Hinimok ni Tedros ang US na tiyaking may maayos na paglipat ng pondo upang maiwasan ang matinding epekto. Nanawagan din siya sa ibang donor at gobyerno na palakasin ang sariling paggasta sa kalusugan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here