MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng Department of Transportation ang tuluyang pag-aalis sa lahat ng X-ray scanners sa lahat ng istasyon ng MRT-3 para maibsan ang pila, anunsyo ni Secretary Vince Dizon announced nitong Lunes, Abril 21.
“Hopefully po, sa tulong ng [Department of Information and Communications Technology], makakapagdagdag tayo ng mga security measures dito sa mga istasyon para later on completely matanggal na nating itong mga X-ray dito sa mga istasyon kasi yun talaga ang nagpapahaba ng mga pila eh,” ani Dizon sa panayam ng DZBB.
Ininspeksyon ni Dizon, kasama si DICT Secretary Henry Aguda ang ilang istasyon ng MRT nitong Lunes kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Pag meron tayong bagong teknolohiya sa tulong ng DICT natin eh baka ma-eliminate na natin ang lahat ng X-ray kasi nga makikita mo naman sa ibang bansa pag sumakay ka sa mga MRT, subway, metro, wala naman x-ray dun kasi nga may mga ginagamit silang teknolohiya para masigurado pa rin ‘yung seguridad ng mga bumabyahe at yung mga pasilidad,” dagdag ni Dizon.
Sa ngayon ay ang mga pasahero na walang bag lamang ang pinapayagan na hindi dumaan sa X-ray inspections sa mga istasyon ng MRT.
Para mapanatili ang seguridad, sinabi ng opisyal na naglagay ng karagdagang law enforcement personnel at K-9 units sa mga istasyon. RNT/JGC