MANILA, Philippines – LABIS na ikinatuwa ng Malakanyang ang pagkakasama ng West Philippine Sea (WPS) sa Google Maps.
”Definitely po, masaya po ito, nakakatuwa po ito,” ang sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
”Masaya na makilala ang West Philippine Sea kahit na ang iba ay sinasabing gawa-gawa lamang daw ang West Philippine Sea,” aniya pa rin.
Kaya nga, dahil dito ay puwede nang mahanap sa Google Maps ang West Philippine Sea. Ayon sa National Maritime Council, ang inisyatibong ito ay repleksiyon ng pagtanggap nang mas nakakarami na ang WPS ay bahagi ng soberanya at hurisdiksiyon ng Pilipinas. Naaayon din ito sa 1982 United Conventions on the Law of the Sea at ng 2016 South China Sea Arbitral Award na pinagtibay ng Republic Act 12064 o ang Philippine Maritime Zones Act.
Dagdag pa aniya ng NMC, ang paggamit ng West Philippine Sea sa isang global platform na kagaya ng Google Maps ay makakatulong na mas lumawak ang kaalaman sa buong mundo sa maritime entitlement ng Pilipinas.
Winika pa ni Castro na muli ring iginiit ng NMC ang kanilang commitment na protektahan ang maritime rights ng Pilipinas batay sa international at domestic law.
Hinihikayat din aniya nila ang patuloy na pagkakaisa sa pagsulong ng interes ng Pilipinas partikular sa West Philippine Sea. Panoorin po natin ito.
Sa ulat, nasa Google Maps na ngayon ang kanlurang bahagi ng South China Sea na tinatawag na West Philippine Sea.
Kinilala ng Google Maps ang West Philippine Sea sa kanilang mapa na nasa lokasyon ng Scarborough o Panatag Shoal, pangisdaan na bahagi ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ang tawag na West Philippine Sea ay unang ginamit noong 2012 ni dating Pangulong Benigno Aquino III na tumutukoy sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas na nasa loob ng South China Sea sa pamamagitan ng Administrative Order No. 29.
Kabilang sa WPS ang bahagi ng Luzon Sea, karagatan sa Kalayaan Island Group, at Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).
Sa kabila ng ruling ng “Permanent Court of Arbitration” noong 2016 na pumabor sa Pilipinas sa kasong inihain laban sa China, patuloy pa ring iginigiit ng China na sa kanila ang bahagi ng WPS kahit pa nasa loob ito ng EEZ ng Pilipinas. Kris Jose