MANILA, Philippines- Hindi muna ipatutupad ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bawasan ang bilang ng Move It motorcycle units at ipatigil ang operasyon nito sa Cebu at Cagayan de Oro City.
Sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon nitong Biyernes na naghain ang Move It ng motion for reconsideration sa LTFRB.
“Status quo muna, hindi muna i–implement ang desisyon ng LTFRB habang pinag-aaralan ang motion for reconsideration ng Move It kahapon. So wala munang galawan hangga’t maresolba ang motion,” pahayag ni Dizon.
Nauna nang ipinag-utos ng LTFRB sa motorcycle taxi service na bawasan ang motorcycle units nito ng 7,826 units at itigil ang operasyon nito sa Cebu at Cagayan de Oro.
Sinabi ng ahensya na ang Move It ay mayroong 14,662 riders, lampas sa alokasyong 6,836.
Inatasan din ang Move It na magpatupad ng agaran at pansamantalang moratorium sa pagkuha ng bagong riders sa loob ng isang taon at magsumite ng beripikadong master list ng bilang ng riders sa loob ng 30 araw.
Gayundin, ipinag-utos ng LTFRB sa ride-hailing app na tiyakin ang “transparency and regulatory oversight.”
Inihayag ng Move It na magreresulta ang aksyon ng LTFRB sa kawalan ng trabaho ng libo-libong riders. RNT/SA