Home NATIONWIDE Mas malawak na scholarships at mataas na pondo sa edukasyon prayoridad ng...

Mas malawak na scholarships at mataas na pondo sa edukasyon prayoridad ng Alyansa senate bets

Larawan kuha ni Cesar Morales

BATANGAS CITY — Sisikapin ng mga senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na taasan ng malaki ang pondo sa edukasyon sa oras na palarin ito sa Senado.

Aminado ang mga kandidato ng Alyansa na ang sektor ng edukasyon ang nanatiling malaking suliranin ng bansa kaya naman ito ang syang kanilang tututukan.

Sa press conference ng Alyansa sa Batangas City na ika-16 na sa mga lugar sa bansa na binisita na bahagi ng kanilang campaign sortie, sinabi ni senatorial candidate at dating Senate President Tito Sotto na bukod sa ido-donate niya ang kanyang buwanang sweldo para sa student scholarship ay titiyakin nya na protektado ang taunang budget para sa education sector.

“I guarantee you we will not allow what happened last year, which is ang laki ng nabawas sa budget ng education at ng health kung saang lupalop inilagay. Hinding-hindi kami papayag. The budget of education will be there, and if necessary, dapat dagdagan pa nga,” pahayag ni Sotto.

Iparerebyu naman ni dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang reimbursements sa tuition fee na ibinibigay ng CHED.

“Baliktad, dapat available na ‘yong scholarship na hindi mag-aabono ‘yong mga parents. Isa pa, masyadong mahigpit ‘yong mga requirements para makapasok sa program, dapat pag-aralan kung paano papaluwagin ito,” ani Lacson.

Para naman kay dating Interior Secretary Benhur Abalos, dapat mas luwagan ang paggamit ng Special Education Fund (SEF).

“Maraming LGUs diyan na may pera talaga to supplement kung ano man ang kakulangan” ani Abalos.

Nais din ni Abalos na magkaroon ng Senate oversight sa programa ng gobyerno na UniFAST system matapos na rin ang maraming reklamo na delay sa pagbabayad ng tuition fee.

Sa oras na palarin sa Senado, sinabi ni Senator Francis Tolentino na kanyang isusulong ang pagkakaroon ng mga LGU-led colleges gaya ng nagawa na nya na pagtatayo ng Colegio de Tagaytay at Community College of Alicia.

“Gusto ko pong makita ‘yong ating pamahalaang lokal na may kakayanan matulungan ang pamahalaang national na magtayo ng sariling colegio, kung hindi kaya ng CHED,” ani Tolentino.

Nais namang maisabatas ni ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo ang educational assistance na ibinibigay ng DSWD.

Isusulong din nito sa Senado ang pagsasabatas ng kanyang inihaing panukala para gastusan ng gobyerno ang review at maging ang board at bar exams ng mga estudyante. Gail Mendoza