BOCAUE, Bulacan- Pinayuhan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang bunso niyang anak na si Veronica “Kitty” Duterte na: “Mag-aral ka. Sumunod ka sa yapak ko.”
Ito ang inihayag ng partner ni Duterte na si Honeylet Avanceña sa Miting De Avance ni PDP-Laban senatorial candidate Rodante Marcoleta sa Philippine Arena sa Bulacan nitong Martes ng gabi.
“Sabi ng anak ko, ayaw niya pumasok sa pulitika. Sabi ko, ‘Ako rin, ayoko sana.’ Pero sabi ng papa niya, ‘Mag-aral ka. Sumunod ka sa yapak ko,’” aniya, inihayag niyang biglang nag-“mature” ang kanyang anak nang hulihin ang nakatatandang Duterte kaugnay ng crimes against humanity at dinala siya sa International Criminal Court (ICC) noong Marso 11.
“Ako ay isang 21-year-old college student lamang at ayaw ko sanang makisali sa politika. Pero nang dahil sa pag-kidnap at pag-abuso nila sa tatay ko, nandito ako ngayon para ipaglaban hindi lamang ang pamilya ko kundi ang bansang Pilipinas,” pahayag ni Kitty sa nasabing event.
Samantala, nanawagan din siya sa mga kabataang Pilipino na maging wais sa pagboto: “Sa mga kababayan ko, sa kapwa ko kabataan, bumoto tayo ng tama. Dahil dito nakasalalay ang kinabukasan.”
Inihayag din niya ang suporta sa PDP-Laban senatorial slate, partikular kay Marcoleta, na tinukoy niyang “my senator.’
“My love for my country is what brought me here. There was never any personal agenda involved. Mahal niya ang bayan niya. Pilipinas, Duterte pa rin!”
Nitong Linggo, sinabi ni Kitty na wala pa siyang balak bumalik sa The Hague, Netherlands. Kasalukuyang nahaharap ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong human rights violations kaugnay ng war on drugs ng kanyang administrasyon. RNT/SA