Home NATIONWIDE PBBM sa DOTr: Panukalang pagtataas ng insurance coverage para sa mga pribadong...

PBBM sa DOTr: Panukalang pagtataas ng insurance coverage para sa mga pribadong sasakyan na nasasangot sa aksidente sa kalsada busisiin

183
0

MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) na pag-aralan ang panukalang itaas ang insurance payment coverage para sa mga pribadong sasakyan sakaling masangkot sa aksidente sa kalsada.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inatasan na ni Pangulong Marcos si Transportation Secretary Vince Dizon na tingnan ang panukala na i-adopt ang insurance system para sa PUVs kung akma sa private motor vehicles upang matiyak ang patas na benepisyo na makukuha sa mga kaso ng pagkamatay at permanenteng kapansanan.

Ani Castro, pag-aaralan itong mabuti upang madetermina kung ito’y nararapat at napapanahon.

“Pinag-aaralang mabuti kung ito ba ay nararapat at ito po ba ay napapanahon,” ayon kay Castro.

“Ito naman po ay para sa karagdagang protection para sa lahat na maaaring mabiktima ng negligence o aksidente sa kalsada,” dagdag na wika nito.

Sa ulat, muling nanawagan ang mga transport group sa administrasyon ni Pangulong Marcos na itaas ang halaga ng insurance coverage sa ilalim ng Compulsory Third Party Liability (CTPL) na binabayaran ng mga motorista sa rehistro at renewal ng kanilang sasakyan, kasunod ng trahedyang naganap sa SCTEX toll plaza sa Lungsod ng Tarlac na ikinasawi ng hindi bababa sa 10 katao.

Kasunod ng karambola ng mga sasakyan na nag-ugat sa isang bus na nawalan ng kontrol noong Mayo 1, tiniyak ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na magtatrabaho siya nang doble para maproseso at maibigay agad ang insurance benefits sa lahat ng biktima.

Ayon sa pahayag ng LTFRB, inatasan na ni Chairman Guadiz ang Passenger Accident Management and Insurance Agency (PAMI) na agad iproseso at ipamahagi ang insurance claims sa mga biktima ng naturang aksidente.

Ngunit habang sigurado ang 33 nasugatang pasahero ng bus na makatatanggap ng insurance mula PAMI na nasa halagang P100,000 medical expenses bawat isa, hindi saklaw nito ang mga nasugatang sakay ng dalawang pribadong sasakyan.

Dagdag pa rito, kahit umaabot sa P400,000 ang insurance coverage mula sa PAMI para sa bawat nasawing pasahero ng mga pampublikong sasakyan, hindi ito saklaw ng walong namatay na sakay ng Nissan Urvan at dalawang nasawi mula sa KIA Sonet sa aksidente sa SCTEX noong Mayo 1.

Ito ang nais ipanawagan ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) na pinangungunahan ni Melencio “Boy” Vargas, kasama ang iba pang transport groups, sa administrasyong Marcos. Aniya, dapat pangunahan ng Insurance Commission ang pagsasaayos nito upang makinabang ang milyon-milyong gumagamit ng kalsada.

Ayon kay Vargas, matagal na nilang adbokasiya kasama ng iba pang transport groups ang pagsusulong ng makatarungang insurance benefits, lalo na’t araw-araw nasa kalsada ang kanilang mga miyembro at batid na nila ang mga suliraning kaakibat ng pagkuha ng insurance claims.

Isa pa sa mga isinusulong ng ALTODAP at ng iba pang transport group ay ang pagpapabilis ng proseso ng insurance claims sa tuwing may aksidente sa kalsada.

Ayon kay Vargas, ang Katipunan Flyover accident at ang kamakailang trahedya sa SCTEX ay dapat maging wake-up call para sa pamahalaan upang tugunan ang mga hinaing ng mga gumagamit ng kalsada.

“Mas maganda siguro na maaksyunan ito ngayon buwan bilang regalo ng administrasyong Marcos sa mga Pilipino dahil celebration ng Road Safety Month tayo ngayong buwan ng Mayo,” pahayag ni Vargas. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here