Home NATIONWIDE Bilangan ng boto target tapusin sa Huwebes

Bilangan ng boto target tapusin sa Huwebes

MANILA, Philippines- Inaasahang matatapos ng National Board of Canvassers ang bilangan ng mga boto para sa national position sa Huwebes ng gabi.

Ito ay makaraang hilingin ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa mga miyembro ng National Board of Canvassers na mabilang na ang mga boto na nasa 100 Certificate of Canvass ngayong araw, kung agad itong makakapasok sa Consolidation and Canvassing System.

Ayon kay Garcia, umabot sa 58 na COC ang nabilang na mga boto kahapon mula sa overseas voting, Local Absentee Voting, mga probinsya at highly urbanized city.

Ito rin umano ang kauna-unahang pagkakataon na nakapag-canvass ang komisyon ng pinakamaraming COC sa unang araw ng canvassing.

Sinabi ni Garcia na matapos maiproklama ang mga senador ay isasagawa ang proklamasyon ng mga party-list groups hindi bilang prayoridad kundi para maiwasan ang siksikan sa venue at para mapadalhan ng pormal na imbitasyon ang mga nanalo.

Paglilinaw ni Garcia, hindi nangangahulugan na may iregularidad ang mabilis na canvassing ng mga boto.

Ayon pa kay Garcia, bukod sa walang kumekwestiyon sa canvassing, sa presinto pa lamang aniya ay alam na ng publiko o ng kandidato ang resulta ng eleksyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden