Home NATIONWIDE Comelec tuloy sa ‘full proclamation’ ng 12 waging senador

Comelec tuloy sa ‘full proclamation’ ng 12 waging senador

MANILA, Philippines- Ipagpapatuloy ng Commission on Elections (Comelec) ang buong proklamasyon ng 12 nanalong senador para sa Eleksyon 2025 sa gitna ng mosyon na humihiling sa poll body na iproklama ang nangungunang anim na kandidato sa karera ng Senado batay sa partial at unofficial count.

Nanawagan ang poll chairperson na si George Erwin Garcia sa mga kandidato na “maghintay” para sa proklamasyon, na sinasabing pinananatili ng Comelec ang target nitong iproklama ang mga nanalong senador at party-list group para sa eleksyon sa Mayo sa katapusan ng linggo — ang pinakamaagang proklamasyon sa ngayon.

Si Sagip Party-list Representative Rodante Marcoleta — kasalukuyang kasama sa Magic 12 sa senatorial race batay sa partial at unofficial voting count — naunang naghain ng mosyon sa Comelec, na humihiling sa poll body na iproklama ang nangungunang anim na kandidato sa pagkasenador batay sa partial at unofficial count.

Si Marcoleta ay nakakuha ng 14,910,418 boto.

Sinabi ni Garcia na ang NBOC at iba pang board of canvassers ay awtorisado na “ibaba ang threshold” at iproklama ang mga nanalong kandidato kung ang natitirang certificate of canvass (COCs) ay hindi na makaaapekto sa mga resulta ng halalan.

Gayunman, nagpasya ang NBOC na kumpletuhin ang tallying ng mga boto ng 175 COC bago isagawa ang proklamasyon para sa May elections.

Nauna nang sinabi ni Garcia na target na iproklama ang mga nanalong senador para sa Eleksyon 2025 sa Sabado, Mayo 17, 2025.

Ang Comelec, bilang NBOC, ay muling nag-convene para ipagpatuloy ang pagta-tally ng mga boto para sa mga kandidato sa pagka-senador at mga party-list. Nakumpleto nito ang pag-tally ng 58 COC noong Martes, Mayo 13, at target tapusin ang karagdagang 100 COC sa Miyerkules, Mayo 14. Jocelyn Tabangcura-Domenden