MANILA, Philippines – Nauwi sa saksakan ang pagtatalo ng tatlong magkakapatid sa Barangay Lawaan, Alcantara, Cebu nitong Miyerkules ng hapon, Nobyembre 4, na ikinasugat ng dalawa habang naaresto naman ang isa.
Kinilala ng pulisya ang isa sa mga sugatan na si Francisco Amorado Tejas, 54, biyudo at magsasaka.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Alcantara Police Station, bandang alas-3:20 ng hapon nang magkaroon umano ng mainitang pagtatalo sina Francisco at nakababatang kapatid nitong si Marcelino Amorado Tejas, 53.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang dahilan ng kanilang pagtatalo.
Habang lumalala umano ang komprontasyon, kumuha si Marcelino ng 12-pulgadang kitchen knife at sinaksak umano si Francisco sa dibdib.
Nang makita ang insidente, nakialam ang kanilang nakatatandang kapatid na si Frederico Amorado Tejas, 60.
Ayon sa pulisya, nakuha umano ni Frederico ang parehong kutsilyo at sinaksak si Marcelino sa tiyan.
Agad na isinugod sina Francisco at Marcelino sa Badian District Hospital para sa kaukulang gamutan.
Samantala, hindi umano tumakas si Frederico at agad siyang inaresto ng mga rumespondeng pulis.
Dinala siya sa Alcantara Police Station para sa documentation at kaukulang legal na proseso.
Narekober din ng pulisya ang 12-pulgadang kitchen knife na umano’y ginamit sa insidente at isinumite ito bilang ebidensya.
Patuloy ang case buildup habang inihahanda ng mga awtoridad ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot. RNT