CEBU – Binuwag ng Philippine National Police (PNP) ang 15 ilegal na pagawaan ng baril sa Barangay Cahumayan, Danao City, Cebu nitong Martes, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa loose firearms sa bansa.
Ayon kay PRO 7 Director Brig. Gen. Redrico Maranan, ang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na tuldukan ang pinagmumulan ng mga ilegal na armas sa buong bansa.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Regional Mobile Force Battalion 7 (RMFB7) at Danao City Police Station, sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni Maranan. Bahagi ito ng malawakang hakbang ng PRO 7 kontra sa mga grupong kriminal, sindikato ng droga, private armed groups, at mga terorista.
Mula Marso 21 hanggang Mayo 16, 2025, isinagawa ang serye ng mga intelligence-driven operations na nagresulta sa pagtukoy ng aktwal na lawak ng paggawa ng baril sa lugar.
Nasamsam sa operasyon ang 10 lathe machines na ginagamit sa paggawa ng baril, mga yari at hindi pa tapos na mga armas, at iba pang gamit. Walong suspek ang inaresto habang 10 barung-barong na ginawang pagawaan ay winasak.
“The simultaneous dismantling of fifteen illegal gun-making sites reflects the intensity of our commitment to rid Central Visayas of deadly weapons,” ani Maranan.
Aniya, ang mga nasabing pagawaan ay pinagkukunan ng armas ng mga grupong kriminal, sindikato ng droga, mga armadong grupo, at rebeldeng NPA.
Dagdag pa niya, hindi lamang ito lokal na tagumpay kundi isang estratehikong hakbang laban sa mga kriminal na nag-ooperate sa buong bansa.
Nanawagan din si Maranan sa publiko na makiisa sa kampanya upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at seguridad sa buong rehiyon at bansa. Mary Anne Sapico