SAMAR – Isinailalim sa state of emergency ang buong lalawigan ng Samar nitong Martes bunsod ng limitasyong ipinataw sa San Juanico Bridge na nakaapekto sa daloy ng suplay mula sa Leyte Island.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang deklarasyon sa kanilang ika-150 regular na sesyon sa Catbalogan City, kabisera ng lalawigan.
Mula pa noong Mayo 15, nilimitahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paggamit ng 53-taong gulang at 2.16-kilometrong tulay para lamang sa mga sasakyang may kabuuang bigat na hindi lalagpas sa tatlong tonelada, bilang bahagi ng isinasagawang dalawang taong rehabilitasyon nito.
Ayon kay Vice Governor Arnold Tan, naapektuhan ang transportasyon ng gasolina, suplay medikal, at iba pang pangunahing produkto mula Tacloban City patungong Samar.
“Ang deklarasyon ay makatutulong upang makontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng pagkain at krudo. Nauubos na ang suplay sa mga gasolinahan, pero mabuti na lamang at may dumarating pa galing sa Bicol,” ani Tan.
Ang oil depot sa Babatngon, Leyte ang pangunahing pinagmumulan ng suplay ng gasolina sa karamihan ng mga bayan sa Samar Island.
Dagdag pa ni Tan, gagamit ng pondo mula sa pamahalaang panlalawigan upang subsidiya ang gastos sa pag-angkat ng krudo mula Leyte gamit ang pantalan sa Barangay Amandayehan sa bayan ng Basey, Samar.
Patuloy pa ang pagpapagawa sa nasabing pantalan.
Ang deklarasyon ng state of emergency ay tugon ng Sangguniang Panlalawigan sa kahilingan ng Samar Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa ilalim ng state of emergency, pinahihintulutan ang pamahalaan na magsagawa ng mga hakbang na hindi karaniwang isinasagawa sa normal na kalagayan upang matugunan ang krisis. Mary Anne Sapico