Home METRO 2 nasakote sa P12.8M ismagel na yosi

2 nasakote sa P12.8M ismagel na yosi

NEGROS OCCIDENTAL- Umabot sa P12.8 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon noong Lunes sa bayan ng Cauayan.

Kinilala ni Police Capt. Reynaldo Bauden Jr., hepe ng Bacolod Maritime Police Station, ang mga suspek na sina Jun-Jun, 39, mula Zamboanga City, at Mar, 39, driver mula Himamaylan City, Negros Occidental.

Ayon kay Bauden, inaresto ang dalawang suspek habang ikinakarga ang mga kontrabando mula sa bangka patungo sa dalawang panel van sa Sitio Bagambang, Barangay Tiling, Cauayan, Negros Occidental noong Lunes Mayo 19, 2025.

Nakuha sa mga suspek ang 11,450 reams ng smuggled na sigarilyo na may kabuuang halaga na P12.8 milyon.

Dagdag pa ni Bauden na isinailalim sa isang linggong pagmamanman base sa natanggap na impormasyon ukol sa pagbiyahe ng mga smuggled na sigarilyo sa Cauayan, na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Tinukoy si Jun-Jun bilang umano’y organizer ng operasyon at posibleng konektado sa isang malaking distributor ng smuggled na sigarilyo mula Mindanao. “They are considered organized,” ani Bauden.

Narekober mula sa operasyon ang 7,450 reams ng imported smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P8,335,000 at 4,000 reams ng local illicit cigarettes na tinatayang nasa P4,480,000 ang halaga.

Ang naturang mga produkto ay hindi dumaan sa Bureau of Customs at walang bayad na buwis, dahilan kaya mas mura ito sa merkado at madalas ibinebenta sa mga upland areas, “sari-sari” stores, at palengke.

Itinanggi naman ng mga suspek na tukuyin kung saan eksaktong galing ang produkto, subalit posibleng konektado sila sa naunang anti-smuggling operation sa Binalbagan, Negros Occidental.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, at Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines. Mary Anne Sapico