MINDANAO — Nakapagtala ng kabuuang 15 kaso ng monkeypox o mpox sa mga lalawigan ng South Cotabato, Sultan Kudarat, at Maguindanao del Norte, ayon sa ulat mula sa mga lokal na health authorities.
Sa datos, 10 kaso ang kinumpirma sa South Cotabato, tatlo sa Sultan Kudarat, at dalawa naman sa Maguindanao del Norte.
Ang mpox ay isang viral infection na naipapasa sa pamamagitan ng malapitang skin-to-skin contact o paggamit ng mga kontaminadong bagay tulad ng damit, tuwalya, at personal items.
Ayon sa mga eksperto sa kalusugan, mahalagang panatilihin ang tamang kalinisan sa katawan upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon. Kabilang dito ang regular na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig.
Ilan sa mga sintomas ng mpox na dapat bantayan ay ang pagkakaroon ng skin rash o mucosal lesions na maaaring tumagal ng dalawa hanggang apat na linggo. Maari rin itong samahan ng lagnat, pananakit ng ulo, kalamnan at likod, panghihina, at pamamaga ng kulani.
Pinapayuhan ang publiko na agad kumonsulta sa pinakamalapit na health center kung makakaranas ng mga naturang sintomas upang maagapan ang posibleng pagkalat ng sakit. Mary Anne Sapico