Home METRO Suspek sa pagpaslang sa ginang na itinapon sa Payatas, timbog

Suspek sa pagpaslang sa ginang na itinapon sa Payatas, timbog

281
0

Quezon City — Naaresto ng mga awtoridad ang suspek sa brutal na pagpatay sa isang ginang na natagpuang patay sa isang tambakan ng basura sa Payatas noong Mayo 14, 2025.

Kinilala ni PCOL Randy Glenn Silvio, OIC ng Quezon City Police District (QCPD), ang suspek na si alias “Felimon,” 47 taong gulang, residente ng Brgy. Payatas, Quezon City.

Ayon sa ulat ni PLTCOL Rolando Baula, hepe ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13), nadakip si Felimon sa bisa ng isang manhunt operation noong Mayo 23, 2025, bandang alas-8:00 ng gabi sa Brgy. Langkiwa, San Antonio Subdivision, Biñan City, Laguna.

Ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant, na positibong tumukoy kay Felimon bilang suspek sa pamamaslang sa biktima na natagpuan sa tambakan sa kanto ng San Lorenzo at St. Beatriz Streets, Brgy. Payatas.

Lumabas sa record na si Felimon ay No. 2 Most Wanted Person (MWP) ng PS 13 kaugnay ng kasong Homicide, batay sa warrant na inisyu ng Branch 43, RTC Tacloban City.

Nang madakip, nakumpiskahan si Felimon ng isang improvised firearm na may isang bala ng 5.56mm (M-16) na nakasukbit sa kanyang baywang, at apat pang bala ng parehong kalibre sa kanyang bulsa.

Sa Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) record check, lumabas na may dating kasong Murder si Felimon noong Hulyo 2018.

Bukod sa kasong Murder kaugnay ng pagpatay sa ginang, sasampahan din siya ng mga kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code), alinsunod sa COMELEC Resolution No. 11067.

“Hindi kami mag-aatubiling tugisin at arestuhin ang sinumang responsable sa karumal-dumal na krimen. Ang pagkakaaresto kay alias ‘Felimon’ ay patunay ng patuloy na determinasyon ng QCPD na papanagutin ang mga nagkakasala sa batas,”
— pahayag ni PCOL Silvio. — Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here