LUMALABAS na may rambol ngayon sa Senado.
Sa ngayon, may tatlo nang klarong nag-aagawan sa pagka-Senate President – sina kasalukuyang Senate President Chiz Escudero, Senator Imee Marcos at nagbabalik-Senado na si Tito Sotto III.
Pero hindi lang sila ang nakikitang pupwedeng kandidato dahil may mga kumukunsidera rin kina Sens. Migz Zubiri at Alan Cayetano.
TEXT AT PIRMA BRIGADE
Bago nagdeklara si Imee, may pirma o text brigade para sa suporta sa mga kapwa senador sa dalawa – sina Sotto at Chiz.
Hehehe!
Ano naman kaya ang magiging istayl ni Imee?
Tahimik lang naman sina Zubiri at Cayetano pero naghihintay ang mga ito ng kalabit mula sa mga kapwa senador nila.
KANYA-KANYANG RASON
Hindi malinaw kung ano-ano ang nasa likod ng agawan sa kapangyarihan dito.
Pero malamang na may halong personal na rason gaya ng karangalan sa pagiging Senate President at mga pribilehiyong ibinibigay rito.
May pulitikal din at kasama rito ang paghawak at pagpapairal ng impluwensiya o kapangyarihan hindi lang sa Senado kundi sa iba pang mga organo ng gobyerno gaya ng Malakanyang at Kamara.
Nakita ito sa paninindigan ni Escudero ukol sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Halimbawa, hinarang ni Escudero ang pagmamadali ng mga kongresman na isalang agad si Sara sa paglilitis at maging ang tahimik na pakikialam ng ilang taga-Palasyo na sumuporta sa mga kongresman para rito.
Sa pulitika pa rin, maaaring may malakas na impluwensya ang Senate President sa pagdedesisyon sa kahihinatnan ng impeachment gaya ng kinatatakutan ng mga militante na kung mapupwesto rito si Imee o sinomang may simpatiya kay Sara, maaaring madiskaril ang impeachment.
Ito’y sa kabila ng tindig ng mga senador na magiging indibiduwal at impartial sila sa pagdedesisyon bilang mga impeachment judge.
Alalahaning higit na pulitikal at hindi panghukuman na nababatay ang desisyon sa batas at ebidensya ang galawan sa impeachment.
At nangyayari ito, hindi lang sa Pilipinas kundi sa ibang mga bansa.
Sa usaping ito, sana hindi manumbalik ang “suhulan” na tila naramdaman noon ni Senador jinggoy Estrada sa isa sa mga kasong impeachment sa nakaraan na roon siya nakasali.
Naging “whistle blower” noon si Jinggoy pero wala nang sumubok na humukay sa katotohanan nito.
CHECK AND BALANCE
Pangunahing trabaho ng Senado, gaya ng Kamara, ang paggawa ng batas at itinatadhana ito ng Konstitusyon.
Sa kasaysayan ng demokratikong pamamahala sa Pinas, ang Senado ang laging nakikita ring humaharang sa mga pagmamalabis ng Palasyo o Kamara sa kapangyarihan.
Hindi kaila sa lahat na karaniwang madaling mag-bonding ang mga taga-Palasyo at taga-Kamara sa anomang usapin ngunit hindi ganito ang Senado at Palasyo, bagama’t dapat lang na may mga kooperasyon kung kinakailangan alang-alang sa kapakanan ng buong bayan.
Karaniwang pinaiiral ng Senado ang prinsipyo ng check and balance sa kapangyarihan sa relasyon ng Palasyo at Kongreso.
Sana naman, ang agawan sa pinakamataas na pwesto sa Senado ay nakalaan sa pangkalahatang kabutihan ng bansa at hindi sa mga kapritso o korapsyon o pandarambong o pagmamalabis sa kapangyarihan.






