DAVAO CITY- Hindi inakala ng isang babaeng negosyante na ang pakikipaghiwalay umano nito sa dating karelasyong pulis ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos barilin ng huli, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktima na itinago sa pangalang Dayday, 39-anyos, negosyante at taga-Barangay Angliongto.
Sumuko naman sa kanyang mga kabaro ang 36-anyos na suspek at kasapi ng Davao City Police Office (DCPO) Station 15 (Ecoland).
Ayon kay Davao City police chief PCol. Hansel Marantan, bandang alas-11 ng gabi naganap ang krimen sa Palma Gil Street, Barangay 13-B. ng nasabing lungsod.
Kwento ng mga saksi, narinig nila ang dalawang putok ng baril mula sa isang itim na Mitsubishi pickup na nakaparada sa nasabing lugar.
Lumabas mula sa sasakyan ang isang lalaking nakasuot ng itim na damit, pantalon, at may suot na sumbrero, kasunod ang sugatang biktima.
Kinilala ng mga saksi, sa pamamagitan ng mga larawang ipinakita ng pulisya, ang suspek na miyembro ng Davao City Police Office (DCPO) Station 15 (Ecoland).
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng bala at dalawang fired bullets na kasalukuyang isinailalim sa ballistic examination.
Lumabas sa paunang ulat na posibleng motibo ng krimen ang away ng suspek at biktima kaugnay sa umano’y extramarital affair.
Nasa kustodiya na ngayon ng DCPO Police Station 1 (Santa Ana) ang suspek para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Sinabi ni Marantan na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon sa insidente. Tiniyak din niya na ang lahat ng legal na hakbang ay ginagawa ayon sa batas.
Pinaalalahanan ni Marantan ang hanay ng DCPO na patuloy na pairalin ang integridad, propesyonalismo, at tapat na paglilingkod sa publiko. Mary Anne Sapico