LAL-LO, Cagayan- Halos naliligo ng sariling dugo ang tatlong katao kabilang suspek matapos na magbaril sa sarili sa Brgy. Centro Lal-lo, Cagayan.
Kinilala ang suspek na si Andy, 67-anyos, may asawa, at residente ng Barangay Centro, habang ang mga biktima ay itinago sa pangalang Anie, 43-anyos, at Roy, 44-anyos, kapwa mga residente ng Brgy. Cabayabasan, Lal-Lo.
Una umanong nakarinig ang mga concerned citizen ng magkakasunod na putok ng baril sa loob ng bahay ng suspek kung saan naroon ang dalawang biktima kaya’t mabilis na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Nabatid na sa pagresponde ng mga pulis ay sinubukan pang kumbinsihin ang suspek upang sumuko ngunit muli silang nakarinig ng putok ng baril kaya’t agad na ring pinasok ang loob ng bahay.
Nang mapasok ang bahay ay tumambad sa kanila ang katawan ng tatlo na wala nang buhay.
Sa ngayon, hindi pa mabatid kung ano ang motibo sa likod ng krimen at nagpapatuloy umano ang imbestigasyon sa insidente. Rey Velasco