Home METRO Murang pagnenegosyo sa Maynila, tiniyak ni Yorme Isko

Murang pagnenegosyo sa Maynila, tiniyak ni Yorme Isko

1
0

MANILA – Walang dagdag-buwis sa mga negosyo at mas pinasimpleng proseso sa pagkuha ng mga permit.

Ito ang matibay na garantiya ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga dayuhang mamumuhunan, partikular sa mga negosyanteng Amerikano, upang higit pang mahikayat ang pagpasok ng puhunan at paglikha ng trabaho sa lungsod.

Sa pakikipagpulong sa delegasyon ng American Chamber of Commerce of the Philippines (AmCham) sa Manila City Hall nitong Nobyembre 5, iginiit ni Domagoso na pananatilihin ng kanyang administrasyon ang mababang gastos sa pagnenegosyo at isang sistemang may malinaw at tiyak na mga patakaran.

Ayon kay Yorme, hindi lamang oportunidad sa negosyo ang nais ialok ng Maynila kundi isang kapaligirang hindi pabago-bago ang mga regulasyon at hindi pabigat sa mga negosyante.

Tatlong pangunahing direksiyon ang binigyang-diin ng alkalde: pagtugon sa Minimum Basic Needs (MBN) ng mga residente, pagpapalawak ng oportunidad sa negosyo at pagpapanatili ng malinaw at predictable na mga patakaran.

Bilang patunay sa pagpapasimple ng proseso, ipinagmalaki ni Domagoso na mula sa dating 22 zoning requirements ay ginawa na lamang itong pito upang mapabilis ang mga transaksiyon at mabawasan ang pasanin ng mga negosyante.

Binigyang-diin din niya ang transparency sa mga transaksiyon ng pamahalaang lungsod.

“Kapag nagbayad ka ng isang piso, isang pisong resibo ang matatanggap mo,” ani Domagoso, na nagpapakita ng kanyang paninindigan laban sa katiwalian at hindi opisyal na singilan.

“We will not raise taxes,” mariing pahayag ni Yorme, kasabay ng pagtiyak na bukas ang Maynila sa mga lokal at dayuhang negosyanteng nais mamuhunan.

Positibo naman ang naging impresyon ni AmCham Philippines Executive Director Ebb Hinchliffe matapos ang pakikipagpulong sa alkalde.

Ayon kay Hinchliffe, higit pa sa kanilang inaasahan ang naging talakayan at kumbinsido siyang mairerekomenda ang Maynila sa mga Amerikanong kompanya at iba pang dayuhang mamumuhunan.

Sinabi niyang malinaw na naipaliwanag ni Domagoso kung bakit bukas ang Maynila sa negosyo at kung bakit dapat itong isaalang-alang ng mga investor.

May mahigit 900 miyembro ang AmCham Philippines na kinabibilangan ng mga kumpanyang Amerikano at multinational corporations na may operasyon sa bansa.

Umaasa ang pamahalaang lungsod na sa pamamagitan ng mas mabilis na proseso, malinaw na regulasyon at walang dagdag-buwis, mas maraming mamumuhunan ang mahihikayat na magnegosyo sa Maynila, na inaasahang magbubukas ng karagdagang trabaho at oportunidad para sa mga Manileño. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here