MANILA, Philippines – Umaasa si Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na magkakaroon ng pagbabago sa mga patakaran sa imigrasyon ng United States kasunod ng makasaysayang panalo ng Democratic Party sa midterm elections.
Ayon kay Romualdez, malaking tulong sa mga Pilipinong may kuwestiyonableng immigration status sa US ang posibleng pagbabago sa polisiya, kasunod ng mahigpit na kampanya ng administrasyong Trump laban sa mga undocumented immigrant.
Sinabi ni Romualdez na regular na nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa Washington, D.C. sa US Department of Homeland Security upang alamin kung paano mapapagaan ang sitwasyon ng mga apektadong Pilipino.
Nauna nang hinimok ng envoy ang mga Pilipinong may kuwestiyonableng immigration status na kusang umalis sa US dahil sa mas mahigpit na patakaran ng administrasyong Trump sa imigrasyon at visa.
Pinayuhan din ng embahada ang mga Pilipinong may problema sa kanilang immigration status na kumonsulta sa isang kuwalipikadong US immigration attorney o accredited legal service provider upang makakuha ng payong angkop sa kanilang sitwasyon.
Samantala, sinabi ni Romualdez na maaaring hindi gaanong maapektuhan ang Pilipinas sa pangkalahatan ng pagkontrol ng Democrats sa US Congress dahil marami umanong kaibigan ang bansa sa dalawang partido.
“Para sa atin, it will not be too much of an effect dahil marami tayong kaibigan both from the Democrats at saka sa Republicans,” aniya.
“We have a bipartisan support from the US Congress. So I think it will be the same,” dagdag niya. RNT/MDS