Home OPINION TOTOONG PULSONG PINOY, NASAAN?

TOTOONG PULSONG PINOY, NASAAN?

223
0

NAGSIMULA ulit ang mga sarbey sa matataas na lider ng Pinas.

Sa nakaraang mga sarbey, lalo na sa mga kandidatong pang-senador, nagsipalpakan halos sila.

May dalawa sa mga kulelat sa sarbey ang pumasok sa magic 12 habang maraming “sure winner” ang lumagapak.

Nagkaroon ng mga palusot ang mga sarbeyor kung bakit nagkaganoon.

Kasama rito ang pag-endorso mismo ni Vice President Sara Duterte kina nagbabalik-Senador Imee Marcos at senator-elect Camille Villar.

Nauna rito, kumpiyansa ang Alyansa ni Pang. Bongbong Marcos na lulusot lahat ang kanyang mga kandidato ngunit anim lang dito ang pumasa sa pagsusulit ng taumbayan.

Alanganin pa kung mananatiling tapat sa Alyansa ang tatlo mula sa anim sa mga pumasa gaya ni senator-elect Erwin Tulfo na nagsabing independiyente siya habang walang nakatitiyak sa katapatan sa Alyansa sina nagbabalik-Senador Ping Lacson at Tito Sotto III.

Tanging ang pangunguna ni nagbabalik-Senador Bong Go ang hindi natinag bilang pinakamataas sa nangungunang kandidato sa lahat ng sarbeyor.

Bilang reaksyon, ibinunton ang sisi sa mga opisyal ng gobyerno gaya ng mga miyembro ng gabinete at iba pang opisyal ng iba’t ibang ahensya kaya bigla silang pinagsumite ng courtesy resignation para sa rigodon at sibakan.

Sa isang maigsing salita, walang lugar sa gobyerno ni Pang. Bongbong ang mga korap at tamad, sa lengguwahe ni Undersecretary of the Presidential Communications Office Claire Castro.

Waaaaaaat???

Ang korapsyon at katamaran ang nagpabagsak sa mga kandidato ni Pang. Bonbong?

ICC AT SI DIGONG

Isa pang larangan na may diperensya ng mga sarbey ang ukol kay ex-President Digong Duterte na mabilisang ipinadala ng administrasyong Marcos sa International Criminal Court bago maghalalang 2025.

Sa sarbey ng WR-Numero noong Marso 31-Abril 7 na nilahukan umano ng 1,894 respondents, 62 porsyento ang aprub sa pagharap niya sa ICC dahil sa giyera sa droga, 52% ang nagsabing dapat lang siyang litisin at 61% ang nagsabing isama na rin ang iba pang sangkot sa giyera sa droga at nasa 20-24% lang ang tumutol.

Dito sa huling sarbey naman ng Pulse Asia na ginanap nitong Mayo 6-9, 2025 na may 1,200 respondents, malaki naman ang pagkakaiba sa WR-Numero result.

Nasa 58% ang hindi pumayag na malitis si Digong sa ICC habang nasa 20% lang ang pumayag.

Pinakamarami ang hindi pumayag sa Mindanao sa gradong 96% at sa Visayas – 60% at sa Metro Manila lang mababa ang grado – 38% at sa iba pang parte ng Luzon – 42%.

Karamihan sa mahihirap at mayayaman ang tumutol sa paglilitis kay Digong.

PAGTITIWALA

Malaki rin ang diperensya sa pagtitiwala kina Pang. Digong at Bongbong sa Pulse Asia survey pa rin.

Nasa 63% ang nagtitiwala kay Digong habang 32% lang kay Bongbong at 17% lang ang walang tiwala kay Digong kumpara sa 42% walang tiwala kay Bongbong.

Nakakuha rin si Vice President Sara Duterte ng 50% na pagtitiwala at nasa 25% ang hindi.

Baka naman daanin na lang sa eleksyon ang sarbey para malaman talaga ang tunay na pulso ng mga Pinoy.

At malalaman ulit ito sa halalang presidensyal sa 2028 na ngayon pa lang ay may gapangan na.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here