MANILA, Philippines- Hindi rin nakaligtas sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsumite ng kani-kanilang courtesy resignations ang 168 pinuno ng government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Sa isang notice na may petsang May 28, 2025, inatasan ng Governance Commission for GOCCs (GCG) ang non ex-officio chairpersons, chief executive officers (CEOs) ng state-run firms na magsumite ng kanilang courtesy resignations sa Pangulo sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary (OES).
Ang lahat naman ng appointive directors/trustees/members ng GOCC governing boards ay dapat na magsumite ng kanilang courtesy resignations direkta sa GCG, at hindi sa OES. Ang resignation letters ay dapat naka-address sa Pangulo. Layon nitong mapabilis ang proseso.
“The affected officers are reminded that until any action is taken by the Office of the President on such courtesy resignation, they shall continue to report for work and perform their usual duties and functions subject to any further directives that the Office of the President may deem proper,” ang nakasaad sa notice.
Matatandaang nauna nang nanawagan si Pangulong Marcos para sa courtesy resignation ng Cabinet secretaries, na may layuning i-“recalibrate” ang kanyang administrasyon matapos ang midterm polls.
Ayon pa sa Presidential Communications Office (PCO), ang hakbang na ito ay nagmamarka ng isang “clear transition” mula sa unang bahagi ng pamamahala patungo sa isang mas tutok na pagkilos, na nakatuon sa performance.
Bagama’t marami ang naglingkod nang may dedikasyon at propesyonalismo, kinakailangan ng nagbabagong pangangailangan ng bansa ang panibagong paghahanay, mas mabilis na pagpapatupad, at kaisipang una muna ang resulta, ayon sa Pangulo.
Sa ulat, hindi tinanggap ni Pangulong Marcos ang courtesy resignation ni Executive Secretary Lucas Bersamin at ang limang economic team ng pamahalaan.
Sinabi ni Bersamin na tinawagan siya ng Pangulo at sinabing hindi tinanggap ang kanyang courtesy resignation at sinabing nasa kanya ang buong suporta nito.
Inanunsyo rin ni Bersamin na maliban sa kanya ay mananatili sa kanilang posisyon sina Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque; Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto; Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan; Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman; at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA) Frederick Go.
Habang nasibak naman sa pwesto si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Loyzaga-Yulo at papalitan ni Department of Energy (DOE) Secretary Rafael Lotilla.
Paliwanag ni Bersamin, bagama’t walang isyu ng korapsyon si Loyzaga ay may mga nakakarating naman na sumbong kay Pangulong Marcos na mas madalas umanong nasa labas ng bansa si Loyzaga kaya pinagpahinga na ito. Kris Jose