MANILA, Philippines- Nasakote ng mga tauhan ng Makati City police ang apat na holdaper na nagpapanggap na motor taxi riders nitong nakaraang Huwebes, Mayo 29.
Sinabi ni Makati City police chief P/Col. Jean Dela Torre na ang apat na nadakip na suspek na kinilalang sina alyas Eugenio, 23; alyas Mourishy, 26; alyas Jarwin, 23; at isang alyas Raven, 20, ay nakasuot pa ng uniporme lulan ng dalawang motorsiklo at nagkukunwaring mga drivers ng ride-hailing app habang nag-iikot sa lungsod para maghanap ng kanilang bibiktimahin.
Ang pag-aresto sa mga suspek ay naganap dakong alas-11:55 ng gabi sa Barangay Bel-Air after matapos magbigay ng impormasyon sa mga pulis sa Police Assistance Desk (PAD) na na nakaistasyon sa kanto ng Leviste at Gallardo Streets ang isang vendor na nakapwesto naman sa Gen. Luna Street, Makati.
Base sa salaysay ng 29 taong gulang na nabiktima ng mga suspek, apat na lalaki na lulan ng dalawang motorsiklo na nakauniporme pa ng ride-hailing app ang lumapit sa kanya kung saan tinutukan siya ng baril at kinuha ang kanyang cellular phone at iba pa niyang gamit bago tumakas ang mga ito.
Agad na rumesponde ang mga nakatalaga sa PAD at nagsagawa ng hot pursuit operation sa lugar kung saan nasipatan ang mga suspek sa kahabaan ng Valero Street na nagtangka pang tumakas ngunit kinalaunan ay nakorner din ang mga ito sa isang maiksing habulan malapit sa Sedeño Street na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.
Ayon kay Dela Torre, modus ng mga suspek ang mag-ikot lulan ng kanilang mga motorsiklo na nakasuot pa ng uniporme ng isang ride-hailing app at kadalasang nag-aabang ng mga empleyadong lumalabas ng gusali na nag-oovertime sa kanilang mga trabaho hanggang sa madaling araw.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang baril na .38 caliber revolver, isang replica ng pistolang baril, mga bala, isang granada, patalim, mga motorcyle accessories, at mga uniporme ng dalawang ride-hailing company at na-impound din ang dalawang motorsiklo na ginamit ng mga suspek habang narekober naman sa mga ito ang tinangay sa biktima na isang Samsung A53 smartphone.
Sinabi pa ni Dela Torre na ang mga suspek ay miyembro ng Batang City Jail gang kung saan ang ilan sa mga ito ay may mga dati nang kaso ng theft at robbery habang ang iba naman ay nahaharap sa mga kasong ilegal na droga at ilegal na pagsusugal.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police ang mga suspek na nahaharap sa patong-patong na kasong robbery (Art. 293, RPC), paglabag sa RA 10591, RA 9516 (Illegal Possession of Explosives), RA 11235 (Motorcycle Crime Prevention), BP 6, at paglabag sa Omnibus Election Code sa Makati City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan