MANILA, Philippines – Umapela ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na payagan ang work-from-home o ibang alternatibong setup habang isinasagawa ang rehabilitasyon ng EDSA simula Hunyo 13, partikular sa bahagi ng Pasay at Guadalupe.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, makabubuti ito sa parehong negosyo at manggagawa upang maiwasan ang abala. Tinatayang may halos 50 malls at maraming establisyimento sa kahabaan ng EDSA.
Ngunit ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), hindi ito akma sa lahat ng kumpanya at mas mainam na pag-usapan ito ng employer at empleyado. Nais din ng ECOP na mabigyan ng insentibo ang mga negosyong susunod sa ganitong setup.
Inaasahang magiging mas malawak ang rehabilitasyon pagsapit ng Hulyo o Agosto. Ipatutupad ang dry run ng odd-even coding scheme sa Hunyo 16. Samantala, inireklamo ng mga motorcycle rider ang No Contact Apprehension Policy (NCAP), lalo na’t hindi maayos ang mga kalsada sa motorcycle lanes. RNT