SA gitna ng lumalalang hamon sa ekonomiya, mula sa tumataas na presyo ng bilihin, kawalan ng sapat at akmang trabaho, at dekada-dekada nang krisis sa pabahay, tila isang ilaw ng pag-asa ang ulat na inilabas kamakailan ng Home Development and Mutual Fund o mas kilala bilang Pag-IBIG Fund.
Ayon sa datos, umabot sa Php 2.73 bilyon ang kinita ng ahensya mula sa mga pamumuhunan sa unang apat na buwan ng 2025, isang napakalaking pagtaas ng 50 porsyento mula sa Php 1.81 bilyon sa kaparehong panahon noong 2024.
Sa isang bansa kung saan ang pagtitiwala sa mga institusyon ay kadalasang sinusubok, ito ay isang magandang balitang dapat ipagdiwang, ngunit higit pa rito, dapat ay bantayan, alalayan, at panatilihing tapat sa layunin.
Ang ganitong paglago ay hindi simpleng bunga ng suwerte o pabugso-bugsong galaw ng merkado. Sa halip, ito ay patunay ng masusing pagpaplano at responsableng pangangasiwa ng pananalapi sa ilalim ng pamumuno ni Chief Executive Officer Marilene Acosta.
Malinaw ang isinusulong na adbokasiya ni CEO Acosta, unahin ang pabahay, tiyakin ang agarang tulong pinansyal, at ipuwesto nang maingat ang natitirang pondo sa mga ligtas ngunit kapaki-pakinabang na instrumento.
Hindi lihim na ang pangarap na magkaroong ng sariling bahay ay isa sa mga pangunahing adhikain ng bawat manggagawang Filipino para sa kanilang pamilya. Sa katunayan, ito rin ang isa sa pinakamahirap maabot. Kaya’t ang malinaw na pagtutok ng Pag-IBIG Fund sa pagpopondo ng pabahay ay hindi lamang isang mandato ng batas, kundi isang makabuluhang hakbang sa pagbibigay-dignidad sa bawat manggagawa.
Sa Php 856.96 bilyon na inilaan sa housing-related assets, hindi maikakailang pangunahing prayoridad ng ahensya ang tunay na kapakanan ng kanyang mga miyembro.
Pero hindi lamang kita ang sukatan ng tagumpay.
Ang pagiging matatag ng isang institusyong tulad ng Pag- IBIG Fund ay nasusukat sa tiwalang ibinibigay ng publiko at sa kalidad ng serbisyong ibinabalik nito.
Sa pag-abot ng Php 1.11 trilyon sa kabuuang asset, kabilang ang mahigit Php 158 bilyon sa income-generating investments, malinaw na ang pondo ng miyembro ay ginagamit para sa kapakanan ng miyembro.






