Home OPINION PATULOY ANG PAGLAGO NG PAG-IBIG FUND SAVINGS NG MGA MIYEMBRO

PATULOY ANG PAGLAGO NG PAG-IBIG FUND SAVINGS NG MGA MIYEMBRO

346
0

SA gitna ng lumalalang hamon sa ekonomiya, mula sa tumataas na presyo ng bilihin, kawalan ng sapat at akmang trabaho, at dekada-dekada nang krisis sa pabahay, tila isang ilaw ng pag-asa ang ulat na inilabas kamakailan ng Home Development and Mutual Fund o mas kilala bilang Pag-IBIG Fund.

Ayon sa datos, umabot sa Php 2.73 bilyon ang kinita ng ahensya mula sa mga pamumu­hunan sa unang apat na buwan ng 2025, isang napakalaking pagtaas ng 50 porsyento mula sa Php 1.81 bilyon sa kaparehong panahon noong 2024.

Sa isang bansa kung saan ang pagtitiwala sa mga institusyon ay kadalasang sinusubok, ito ay isang magandang balitang dapat ipagdiwang, ngunit higit pa rito, dapat ay bantayan, alalayan, at panatilihing tapat sa layunin.

Ang ganitong paglago ay hindi simpleng bunga ng suwerte o pabugso-bugsong galaw ng merkado. Sa halip, ito ay patunay ng masusing pagpaplano at res­ponsableng pangangasiwa ng pa­nanalapi sa ilalim ng pamumuno ni Chief Executive Officer Marilene Acosta.

Malinaw ang isinusulong na adbokasiya ni CEO Acosta, una­hin ang pabahay, tiyakin ang agarang tulong pinansyal, at ipuwesto nang maingat ang na­titirang pondo sa mga ligtas ngunit kapaki-pakinabang na ins­trumento.

Hindi lihim na ang panga­rap na magkaroong ng sariling bahay ay isa sa mga panguna­hing adhikain ng bawat mang­ga­gawang Filipino para sa kani­lang pamilya. Sa katunayan, ito rin ang isa sa pinakamahirap maabot. Kaya’t ang malinaw na pagtutok ng Pag-IBIG Fund sa pagpopondo ng pabahay ay hindi lamang isang mandato ng batas, kundi isang makabuluhang hakbang sa pagbibigay-dignidad sa bawat manggagawa.

Sa Php 856.96 bilyon na inilaan sa housing-related assets, hindi maikakailang pangunahing prayoridad ng ahensya ang tunay na kapakanan ng kan­yang mga miyembro.

Pero hindi lamang kita ang sukatan ng tagumpay.

Ang pagiging matatag ng isang institusyong tulad ng Pag- IBIG Fund ay nasusukat sa tiwalang ibinibigay ng publiko at sa kalidad ng serbisyong ibina­balik nito.

Sa pag-abot ng Php 1.11 tril­yon sa kabuuang asset, ka­bilang ang mahigit Php 158 bil­yon sa income-generating in­vestments, malinaw na ang pondo ng miyembro ay ginagamit para sa kapakanan ng miyembro.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here