MANILA, Philippines – Arestado ng mga miyembro ng Ninoy Aquino International Airport-Inter Agency Drugs Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang 28-taong-gulang na babae matapos i-claim sa Central Mail Exchange Center (CMEC) ang isang parcel na naglalaman ng P6,854,400 halaga ng shabu Lunes ng hapon, Hunyo 2.
Kinilala ng NAIA-IADITG ang nadakip na suspek na si Ruth Mahilum y Agao, 28, residente ng 21 Guijo St., Manuela 4E, Pamplona Tres, Las Piñas City.
Base sa report ng NAIA-IADITG, inaresto ng mga operatiba ang suspek dakong alas 3:00 ng hapon sa isinagawang interdiction operation sa CMEC, Domestic Road, Pasay City.
Ang naturang inbound parcel na iki-claim sana ng suspek ay may tracking number EE 228 966 831 CA na idineklarang “ladies wear and bags” at ipinadala ng isang Jonathan Wellison ng 701-25 Richview Road, Etobicoke, Ontario, Canada M9P2R7 na nakaconsign sa suspek.









